Magpapalabas ng certification ang gobyerno ng South Korea para sa bibiyahe nilang mga mamamayan.
Ito ay upang matukoy ang mga South Koreans na magmumula sa North Gyeongsang province, Daegu, at Cheongdo na matinding naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Immigration Port Operations Division chief Grifton Medina, bahagi ito ng mga ipinatutupad na hakbang ng South Korea bilang pagtiyak na mapipigilan ang pagkalat ng virus sa mga karatig na rehiyon.
Sinabi ni Medina, una na rin aniyang nangako ang South Korean government na mas maiigtingin ang kanilang ipinatutupad na quarantine sa bahagi ng Daegu at mga katabi nitong lalawigan.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad na ng Bureau of Immigration ang expanded travel ban sa South Korea kung saan hindi papapasukin ng Pilipinas ang mga dayuhang manggagaling o may travel history sa North Gyeongsang province, Daegu, at Cheongdo.
Habang hindi na rin muna papayagan ang mga Pilipino na magtungo ng South Korea maliban na lamang kung newly hired at balik manggagawa, mag-aaral, at permanent resident na sa South Korea.