Umaasa si South Korean President Moon Jae In na magiging positibo ang pagtugon ng North Korea sa kanilang ginagawang pasisikap kasama ang Estados Unidos para sa pagsisimula ng denuclearization nito.
Ayon kay Moon, isusulong niya sa dadalong pagpupulong sa Washington sa April 11 ang muling pag-uusap ng Estados Unidos at North Korea.
Sinabi ni Moon, bagama’t walang nabuong kasunduan sa pagitan ng North Korea at Amerika sa kanilang ikalawang pulong sa Vietnam noong Pebrero, malinaw namang kapwa ayaw na ng dalawang bansa na bumalik sa dating relasyon.
Tiniyak din ni Moon na patuloy silang makikipagtulungan kay US President Donald Trump para pagsusulong ng kapayapaan sa Korean Peninsula.
—-