Naghain ng komento sa Korte Suprema ang solicitor general kaugnay sa petisyon ni Senador Antonio Trillanes kaugnay sa pagbawi ng Malakanyang sa kanyang amnestiya.
Sa isinumiteng komento ng solicitor general ay hiniling nito na ibasura ng kataas taasang korte ang petisyon ni Trillanes.
Katwiran ng SolGen, dahil inamin mismo ng kampo ng senador sa pagdinig ng Makati Regional Trial Court Branch 148 na wala siyang aplikasyon at walang pag- amin ng pagkakasala kaugnay ng mutiny at kudeta na mga kasong isinampa laban sa kanya noong 2003 at 2007.
Ipinunto pa ng SolGen na simula noong Setyembre 3 ay nanatili na sa senado si Trillanes habang wala naman sa listahan ng bisita ang abogado nitong si Atty. Jorvino Angel hanggang noong Setyembre 5 na siyang petsa na nakasaad na nanotaryohan ang petisyon ni Trillanes.
Posible anilang hindi personal na pinumpaan ni Trillanes ang inihain nitong petisyon sa Korte Suprema.