Inamin ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida na tanging si Senador Antonio Trillanes IV at ang amnestiya nito ang siyang tinututukan ngayon ng gobyerno.
Ito ay kahit inamin pa ni Calida na hindi lamang ang amnesty paper ni Trillanes ang kanilang ni-review kundi ang iba pang benepisyaryo ng amnesty grant ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong 2010.
Ayon kay Calida, sumusunod lamang sila sa ipinag utos ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nakatutok lamang ito sa pagbawi ng amnesty ni Trillanes.
Dagdag pa rito, tanging si Trillanes lamang ang nagsasabing hindi siya guilty sa nangyaring coup d’ etat at rebelyon.
Una nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na bagama’t si Trillanes ang kanilang iniimbestigahan sa ngayon ay posibleng ma-review din ang amnestiyang ipinagkaloob sa iba pang magdalo soldiers na kasama ni Trillanes sa Oakwood Mutiny.
—-