Walang batas na nagbabawal sa kaninumang government official na magkaroon ng share of stocks.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng kontrobersiyang ibinabato kay Solicitor-General Jose Calida kaugnay ng 60 percent ownership nito ng isang pribadong security agency.
Ayon kay Roque, malinaw naman ang itinatakda ng batas na hindi iligal kung ang isang opisyal ng pamahalaan ay magkaroon ng pamumuhunan sa isang kumpanya sa pamamagitan ng stocks.
Magkakaroon lamang anya ng paglabag partikular ng “conflict of interest” sa sandaling ang napasukang kontrata ay sa mismong tanggapan na pinangangasiwaan ng isang opisyal ng pamahalaan.
Nanawagan naman si Roque sa mga bumabatikos kay Calida na basahin ang batas kasabay ng pagtiyak na hindi ito mapapatalsik sa puwesto.