Tinawag na total failure of intelligence ni Supreme Court Associate Justice Mariano Del Castillo ang pagsiklab ng gulo sa Marawi City nuong Mayo 23.
Ito’y makaraang lumabas sa video ng Maute Group kung saan, ipinakikita na matagal at pinagplanuhang maigi ng grupo ang kanilang pag-atake sa nasabing lungsod.
Depensa naman ni Solicitor General Jose Calida sa ikalawang araw ng oral arguments, animo’y isang jigsaw puzzle ang intelligence gathering na ang ibig sabihin ay hindi buo kung hindi utay-utay ang mga nakukuha nilang impormasyon.
Paniwala naman ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, hindi kailangang magdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao gayung ang gulo ay sa Marawi lamang at hindi sa buong rehiyon.
Sagot ni Calida, may ugnayan ang Maute Group sa iba’t ibang grupo tulad ng Abu Sayaf, Anzar Kalifah Philippines at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nasa ibang bahagi ng Mindanao na nagpapakalat din ng gulo.
Dahil dito, inatasan ni Justice Carpio si Calida na isama sa kanilang memoranda ang mga intelligence reports na kanilang natanggap na may presensya nga ng Maute sa iba pang bahagi ng Mindanao.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo