Hinamon ng mga taga-suporta ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Solicitor General Jose Calida na ilabas nito ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN sa nakalipas na tatlong taon.
Sa kanyang sulat, nanawagan ang isang Jocelyn Marie Acosta kay Calida na ilabas ang SALN ng SolGen mula taong 2016 hanggang kasalukuyang taon.
Ito ay para magka-alaman na kung tamang naideklara ni Calida ang isang security company na pag-aari ng pamilya nito. Lumalabas kasi na 60 porsyento umano ng capital stock ng Vigilant Investigative and Security Agency Incorporated ang pagmamay-ari ng Solicitor General.
Iginiit ni Acosta na ang pagkakaroon ni Calida ng security company ay malinaw na conflict of interest lalo’t nag-ooperate ang kumpanya ni Calida sa apat na ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng National Economic Development Authority.