Ilalarga na ng World Health Organization (WHO) ang kanilang solidarity trial para sa bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas sa huling linggo ng Enero o unang linggo ng Pebrero.
Ito ang kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) kasunod ng hirit ng WHO na dagdagan ang mga lalahok o participants dito.
Ayon kay DOST Usec. Rowena Guevara, nais kasi ng WHO na itaas sa 15,000 ang lalahok sa solidarity trials mula sa dating 4,000.
Dagdag pa ni Guevara, itinaas din nila sa P384.4-M ang pondo para sa solidarity trials mula sa dating P89.1-M.
Gayunman, sinabi ni Guevara na hindi pa nila tukoy kung anong bakuna ang gagamitin ng WHO para sa gagawing trials ng COVID-19 sa bansa.