Itinanggi ng DSWD o Department of Social Welfare and Development na mahigit sa 500 pa lamang ang naitayong permanenteng tahanan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, batay sa datos ng National Housing Authority (NHA), nasa 2,000 na ang naitayong permanent housing units at hindi 542 na tulad ng sinasabi ni dating Senador Panfilo Lacson.
Gayunman, inamin ni Soliman na walang gustong lumipat sa mga permanent housing units dahil wala pa itong suplay ng kuryente at tubig.
Sa kasalukuyan ay nasa transitional shelters pa rin ang mga biktima ng bagyong Yolanda, dalawang taon matapos manalanta ang bagyo sa eastern Visayas.
“Wala pong electric and water connections ‘yung mga permanent houses kaya ayaw pong lumipat ng mga tao at hindi din naman po natin pipilitin, sapagkat doon sa transitional houses, ‘yun pong temporary housing nila, doon po nahahatiran sila ng tubig at kuryente, dahil inayos po namin ‘yan with the local government units, hinahatid po ‘yung tubig sa mga tangke at mayroon pong usapan sa mga cooperative.”Pahayag ni Soliman.
Aminado rin si Soliman na posibleng nailabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuan ng halos P168 billion na pondo para sa pagpapatayo ng permanent housing sa eastern Visayas.
Ipinaliwanag ni Soliman na mahirap kumuha ng lupang bibilhin para sa permanent housing kaya’t inuunti-unti lamang ang pagpapalabas ng pondo.
Una nang sinisi ni Lacson ang DBM sa mabagal na pagkumpleto sa permanent housing units para sa Yolanda victims.
“Ang kalakihang bahagi po ng pondong ‘yan ay ang pagtayo po ng permanent shelters, ang akin pong naiintindihan ko po diyan na bahagi ng naging problema ay ‘yung pagtaas ng presyo ng lupa, so hindi po nare-release ng DBM kung walang siguradong lupa na puwedeng ibigay ang LGU, at ang nangyari po sa Tacloban in particular ang national na po ang bumili ng karamihan ng naitayo ng National Housing.” Pahayag ni Soliman.
Samantala, kinumpirma ng DSWD na may mga pamilyang biktima ng bagyong Yolanda ang nagbalik sa dati nilang lugar na sinalanta ng bagyo.
Kasunod ito ng obserbasyon ni UN Special Rapporteur on Rights of Internally Displaced Persons Chaloka Beryani na kamakailan ay bumisita sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, mahigit 100 pamilya ang natuklasan nilang bumalik sa dati nilang lugar sa Barangay 88 sa Tacloban.
“Meron pong mga tao na nakalipat na po sa transitional shelter pero bumalik pa po, kagaya nung sa Barangay 88, Tacloban, eh danger zone po ‘yun, yun po ang isa pang hamon na kailangan maunawaan ng mga mamamayan na hindi sila puwedeng bumalik sa mga areas na dati nilang tinirhan.” Dagdag ni Soliman.
Palasyo: Karagdagang pondo, ibubuhos
Nangako naman ang Malacañang na magbubuhos ito ng karagdagang pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
Ito’y kasunod ng ginawang pagsita ng isang opisyal ng United Nations sa gobyerno kung saan humirit ito ng permanenteng tirahan para sa mga Yolanda victim.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, sa pamamagitan ng panukalang 2016 budget ay mapapaigting ang recovery efforts sa mga komunidad na naapektuhan ng naturang super typhoon.
Paliwanag ni Coloma, hindi lamang ang mga biktima ng kalamidad ang makikinabang sa dagdag na pondo kundi maging ang mga apektado ng krisis sa mga lungsod ng Zamboanga at Cotabato.
Una nang iginiit ni UN Special Rapporteur Chaloka Beyani na bagama’t nailipat na sa transitory housing o bunkhouses ang mga Yolanda survivor ay kailangan pa rin silang bigyan ng permanent housing.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Jelbert Perdez