Nanawagan si AANGAT TAYO Party-list Congressman Neil Abayon na palitan na ang kasalukuyang umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na tinatawag na PH-US Mutual Defense Treaty na nilagdaan noon pang 1951. Ito ay kasunod sa pagbisita ni US Secretary of State Rex W. Tillerson sa bansa.
Malaki na umano ang pinagbago ng mga “geopolitical security dynamics” sa mga bansang nasa Asya-Pasipiko, kabilang ang Pilipinas at Amerika.
Giit ni Abayon, kailangan na daw ng bagong kasunduan na tutugon sa mga problema natin sa ngayon at maghahanda sa atin sa mga problema sa hinaharap.
“Gaya halimbawa kung biglang magkaroon ng biological attack sa Pilipinas, tutulungan ba tayo ng US kung mangyari iyon? O kung biglang lusubin ng ibang bansa hindi ang Manila kundi ang mga isla nating nasa Exclusive Economic Zone, up to what extent ang ibibigay na tulong ng Amerika? Eh kung magpatulong na rin kaya tayong bantayan ang ating coastlines? May problema na tayo ngayon sa paglaganap ng HIV-AIDS sa bansa, maaari kayang alalayan din tayo ng US sa pagresolba nito?” tanong ni Abayon.
Bilang kasapi ng House Committee on Foreign Affairs at Committee on National Defense & Security, hinimok niya ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND) , Department of Health (DOH) , Department of Environment and Natural Resources and National Economic and Development Authority (DENR) na bumuo ng technical working group na magrerebyu ng Mutual Defense Pact para matiyak na patas na makikinabang ang US at ang Pilipinas sa bubuuing bagong kasunduan.
Sa House of Representatives naman, hiniling niya sa Congressional Policy and Budget Research Department na magsagawa ng mga pag-aaral na tutulong sa Kongreso para makabuo ng mga panukalang batas na magsisilbing katuwang ng bagong bubuuing tratado.
“Kailangan din nating tignan kung anong hitsura ng treaty sa pagitan ng US at ibang bansa para maikumpara natin kung paano ang pagtingin sa atin ng US bilang kaalyado,” dagdag ni Abayon.