Suportado ni San Jose del Monte Rep. Rida Robes si First Lady Liza Araneta Marcos sa pagdepensa nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga troll na hindi binibigyang respeto ang presidente.
“Not only delayed but also polite” kung ilarawan ni Rep. Robes ang reaksyon ni First Lady Liza sa mga nang-aatake kay Pangulong Marcos.
Pagbibigay-diin ng mambabatas, “always kind” ang First Lady kay Vice President Sara Duterte, subalit dumalo pa rin ang bise presidente sa isang rally na hindi lamang nanira kay Pangulong Marcos, kundi humiling din sa pagpapatalsik sa kanya.
Para kay Rep. Robes, makatotohanan at tapat ang reaksyon ni First Lady Liza sa mga insultong nabanggit sa naturang rally.
Dagdag pa niya, sa kabila ng mga pahayag na umano’y “seditious”, o nanghihikayat sa publiko na maghimagsik laban sa mga awtoridad, magalang pa rin ang Malacañang sa mga kritiko ni Pangulong Marcos.
Bukod pa rito, lagi pa rin aniyang ipinagtatanggol ni Pangulong Marcos ang bise presidente. Ayon pa sa pangulo, nakatuon lamang sila sa pagsisilbi sa publiko.