Isinusulong ng ekonomistang si Albay 4th District Rep. Joey Salceda ang 5 point plan upang tiyaking mapipigilan ang epekto ng sagupaan ng Russia at Ukraine, sa lokal na presyo ng langis.
Una sa inilatag ni Salceda ang pagbawas muna sa ‘fuel excise tax’ sa halagang katumbas ng kikitain sa value added tax para mapigilan ang pagkalugi ng gobyerno.
Dapat din anyang buksan ang lahat ng pampublikong transportasyon sa ‘full capacity’ upang mapababa ang transport costs sa mga gagamit ng pribadong sasakyan dahilan sa kakulangan ng alternatibo dulot ng COVID-19 pandemic.
Inirekomenda rin ng kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte na agarang mag-isyu ng Executive Order (EO) na nag-aatas sa Departments of Energy (DOE), Trade and Industry (DTI) at Philippine Competition Commission (PCC) na mahigpit na i-monitor ang mga energy company para maiwasan ang hoarding.
Ipinanukala rin ng mambabatas na magkaroon ng EO na mag-uutos sa DOE na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa mga planta ng kuryente.
Dapat ding gamitin ang 4.5 billion peso ‘contingency fund’ para sa mga public utility vehicle driver at pagkatiwalaan na rin ang mga local government units na magdeklara ng ‘conditional state of calamity’ para sa mga lugar na apektado ng oil price hike.