Inihayag ng World Health Organization (WHO) na wala pang natutuklasang solusyon sa nararanasang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at posibleng hindi na rin umano ito kailanman madiskubre.
Ito’y sa gitna ng pag-aaral ng iba’t ibang bansa para matuklasan ang gamot o bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, sa ngayon ay mayroong mga bakuna na nasa phase 3 na ng clinical trials at lahat sila ay umaasa aniya na mayroon sa mga ito ang magiging epektibong bakuna para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng sakit.
Sinabi ni Ghebreyesus, sa ngayon ay mahalagang sumunod ang lahat sa mga health measures gaya ng social distancing, paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask.
Batay sa pinakahuling tala, nasa mahigit 18-milyon na ang kaso ng COVID-19 sa buong mundo.