Sa ikatlong pagkakataon, nabigong makadalo si retired Police official Wally Sombero sa pagdinig ng Senado hinggil sa P50-million bribery controversy sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa problema sa kalusugan.
Nakasaad sa liham na binasa ng abogado ni Sombero na si Atty. Ted Contacto na noong Pebrero 6, papasakay na ng eroplano si Sombero mula Vancouver, Canada pauwi ng Pilipinas pero hindi siya pinayagan ng airport 911 paramedics matapos makaranas ng palpitation, tumaas ang blood sugar at nahirapan din sa paghinga.
Una nang ipinatawag si Sombero sa mga nakalipas na hearing noong Enero 23 at 31, subalit hindi rin ito sumipot.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Atty. Ted Contacto, abogado ni Wally Sombero
Inusisa rin ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon si Contacto kung kailan niya huling nakausap ang kanyang kliyente at kung buhay pa ba si Sombero.
Kaugnay nito, sinabi ni Contacto na sinisikap ni Sombero na makakuha ng medical clearance upang makabalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag nina Senator Richard Gordon at Atty. Ted Contacto
By Meann Tanbio | Report from Cely Bueno (Patrol 19)