Nakatakdang hilingin ng Senate Blue Ribbon Committee na suspendihin ang pasaporte ng police general at middleman ni Jack Lam na si Wally Sombero.
Sa harap na rin ito ng hindi pagsipot ni Sombero sa pagdinig ng komite kahit tatlong beses na itong ipinatatawag.
Sa panayam ng programang “Karambola”, sinabi ni Gordon na gagawin nila ang lahat upang mapabalik ng bansa si Sombero mula sa Canada.
“Kinukuha na niya yung medical certificate, naiintindihan niya yung hinihingi ko pero sabi niya I’m under threat, tumataas ang blood pressure ko, nagkaroon ako ulit ng diabetes mga ganyan ganyan ang dami niyang sinasabi, tinanong ko siya, “Kelan ka uuwi?, hindi niya masabi, so sabi ko kapag natapos itong hearing na ito we will do what I said, we will cite you for contempt and gagawin ko pa, dahil sigurado na akong hindi na uuwi ito dahil ayaw nang umuwi diba?, we will ask DFA to cancel your passport.” Ani Gordon.
Sakaling magmatigas pa si Sombero na huwag umuwi ng bansa, sinabi ni Gordon na mapipilitan siyang ideklara itong wanted dahil sa pilit na pagtatago nito.
“Kailangang umuwi siya dahil mas malaki ang problema niya kapag hindi siya umuwi, kung talagang magtatago yan eh alam mo naman yung mga Chinese nga nakakapasok, pinapalitan ang passport, ume-extra ng passport na peke.” Pahayag ni Gordon.
Credit to: Karambola (Interview) | Catch it weekdays 8:00-9:30 in the morning with Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan dela Cruz and Prof. Tonton Contreras
Pinalusot?
Samantala, hindi naitago ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang kaniyang pagkadismaya sa mga opisyal at ilang kawani ng Bureau of Immigration (BI).
Kasunod ito ng pagkakapuslit ng police general at middleman ni Jack Lam na si Wally Sombero sa kabila ng lookout bulletin na inilabas laban sa kaniya ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Aguirre, malinaw na sanay na sa suhulan ang mga opisyal at kawani ng Immigration dahil hindi nito sinusunod ang standard operating procedure para sa mga taong binabantayan ng gobyerno.
Giit ni Aguirre, huli na nang tawagan siya ng mga taga-Immigration para ipaalam ang pag-alis ni Sombero patungong Singapore kahit walang clearance mula sa DOJ at NBI.
By Jaymark Dagala