Pangakong pagbabago…Change.
Masasabing ang salitang ito ang nagluklok sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Pang-matagalang pagbabago sa gobyerno upang solusyunan at labanan ang mga problema ng Pilipinas.
Kung matatandaan, malinaw na bahagi ng kanyang dalawang nakaraang State of the Nation Address o SONA ang mga isyu patungkol sa katiwalian, kriminalidad, usapang pangkapayaan, ekonomiya, mga usaping pang-kalikasan, terorismo at seguridad, relasyong panlabas ng Pilipinas, repormang pulitikal, imprastraktura at iba pa—mga isyung malapit sa sikmura ng mga ordinaryong Pilipino.
Sa ikatlong taon ng administrasyong Duterte, ano na ang estado ng mga pagbabagong naging pangako niya sa mga Pilipino?
Ayon sa political analyst na si Professor Ramon Casiple, binigyan niya ng gradong 7 ang administrasyong Duterte dahil maituturing na ‘so far so good’ sa pangkalahatan ang unang dalawang taon ng Pangulong Duterte sa puwesto.
Bagama’t aniya, maraming kontrobersiyang kinaharap ang Pangulo, ilan pa rin sa mga inilatag nitong programa noong panahon ng kampanya ay nasimulan na habang may ilan namang natupad na nito.
Isa aniya rito ay ang anti-drug campaign ng Pangulo na nagresulta sa pagbaba ng crime rate at inaasahang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law o BBL ngayong Hulyo.
Ito ‘yung general experience sa community level na medyo kampante na at nakakalabas ang mga tao kapag gabi, except sa mga area na nagkaroon ng mga killings, itong mga community, tio rin ang pinakamatinding tama ng drugs before talagang may mga kaso dito na sumusobra ang pulis. Pero generally ang record dito sa tingin ko suportado ng mga tao, ‘yung crackdown sa droga.
Dagdag pa ni Casiple, napanatili rin sa panahon ni Pangulong Duterte ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Bagama’t nagkaroon umano ng problema sa inflation rate hindi pa rin aniya ito ganoon kataas. Sa kasalukuyan, umabot na sa 5.2% ang inflation rate sa bansa kumpara sa dating 2.5-3% rate.
Expected na ito na epekto ng TRAIN, maliit lang naman pero tumama itong oil, rice, exchange rate, nagpalala ‘yun, pero sabi naman ng Central Bank at pumapabor ako dito, manageable ‘yan.
Sinabi pa ni Casiple, na malaking bagay na hindi na tumaas ang unemployment rate sa bansa sa panunungkulan ni Duterte.
Ito ay nakatakda nang harapin ng Build Build Build program na sa tingin ng Presidente ay pundasyon para sa industrialization, may shifting na gusto siyang mangyari na makapagtayo tayo ng ating sarili, makabalik ang mga OFW dito sa Pilipinas.
Bukod pa rito, sinabi ni Casiple na nananatili ring mataas ang nakukuhang suporta ng Pangulo mula sa publiko.
Ang benchmark ko kapag lumapit ‘yan sa anywhere near 39 ‘yung okay sa kanya ibig sabihin naubos na ang goodwill ng mga mamamayan natin na hindi bumoto sa kanya, ang suporta sa kanya ay mataas, ang pagbaba normal ‘yun, ang mataas na suporta na ‘yan despite all the criticisms, all the issues na ni-raise laban sa kanya ay patunay na mukhang may ginagawa siya.
Gayunman, pinuna ni Casiple ang kawalan ng pangmatagalang strategic direction ni Pangulong Duterte sa paraan ng kanyang pamumuno.
Wala siyang defined na strategic direction at strategy mismo diyan, kumbaga you’re living from day to day dito eh, may mga sinabi siyang basic principle, gaya ng friends to all, pero how do you apply that to major issue in foreign affairs? eh hindi mo makuha agad-agad, ibig sabihin ikaw ang mag-iinterpret eh, hindi siya ang magsasabi. Minsan aatakihin niya, minsan hindi, I think part ‘yan ng tactics niya para hindi siya mabasa, but then kung ika’y pinuno at tumitingin sayo ang tao kung anong gusto mong manyari, dapat ilinaw mo ‘yan, hindi lang short term kundi long term.
Binigyang diin ni Casiple na maituturing na transition President si Duterte dahil sa mga ipinatutupad nitong reporma sa gobyerno.
Sa totoo lang the last two years ang naging papel lang ng Presidente given na hindi naman siya kinikilala ng elite, hindi siya tumakbo as part ng isang faction sa national elite, ay basically guluhin ang status quo, kasi kapag hindi niya ginulo paano niya gagawin ang reforms gaya ng federalism, mabigat na reforms ito sa structure ng pulitika, hindi mangyayari ang bago kung hindi mo guluhin ang luma, isang tatak niya ‘yan.
Anti-Corruption Campaign
Mula nang maluklok sa puwesto, malinaw pa sa sikat ng araw ang matinding laban ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsupil sa anumang uri ng korupsyon sa gobyerno kabilang na ang mga maanomalyang proyekto at ang sobra-sobrang pagbiyahe sa ibang bansa. Kasama rin sa mga tinanggal ang mga opsiyales na hindi pumasa sa pamantayan ng Pangulo.
Kaya nga sa loob ng mahigit dalawang taon sa panunungkulan ay marami na ang nasampolan sa kampanyang ito at tuluyang nasibak sa tungkulin.
Walang pinipili, kaalyado man o hindi.
Kasama dito sina:
- Peter Laviña na dating National Irrigation Administration Chief at campaign spokesman ni Duterte noong panahon ng kampanya.
- Ismael Sueno na dating kalihim ng Department of Interior and Local Government o DILG.
- Jose Vicente Salazar ng Energy Regulatory Commission.
- Gertrudo de Leon na dating Budget Undersecretary.
- Dionisio Santiago na dating pinangunahan ang Dangerous Drugs Board.
- Terry Ridon na dating Presidential Commission for the Urban Poor chairman at mga commissioners na sina Melissa Aradanas, Manuel Serra Jr., Noel Indonto at Joan Lagunda.
- Elba Cruz na dating Presidente ng Development Academy of the Philippines.
- Marcial Amaro III na dating Marina Administrator.
- Patricia Licuanan ng Commission on Higher Education.
- Pompee La Viña na dating Commissioner ng Social Security System at dating SSS Chairman Amado Valdez.
- Dominador Say na dating Labor Undersecretary.
- Celestina dela Serna na dating interim president ng PhilHealth.
- Tingagun Ampaso Umpa na dating DPWH Assistant Secretary.
- Mark Tolentino dating Undersecretary ng Depatrment of Transportation.
- Rudolf Jurado na dating corporate counsel ng gobyerno.
- Wanda Tulfo-Teo na dating Tourism Secretary.
May ilan din namang naalis sa puwesto ngunit muling itinalaga ng Pangulo sa ibang posisyon gaya nina Pompee La Viña na na-reappoint bilang Tourism undersecretary at ngayon ay inilipat naman bilang Agriculture undersecretary.
Si Melissa Aradanas na ngayon ay deputy secretary general ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC.
Matapos namang magbitiw sa puwesto dahil sa kontrobersyal na P6.4 billion shabu smuggling na kinasangkutan ng Customs ay muling itinalaga ng Pangulo si dating BOC Chief Nicanor Faeldon bilang Deputy Administrator ng Office of the Civil Defense.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang umaming mahirap supilin ang katiwalian sa bansa.
Kaya naman, lumikha siya ng isang lupon na siyang tututok sa mga reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan na masasangkot sa anumang uri ng katiwalian, ito ang Presidential Anti-Corruption Commission.
Ito’y maliban pa sa itinatag na direct line ng Pangulo na 8888 kung saan maaaring isumbong ng sinuman ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na mapatutunayang gumagawa ng kalokohan.
Environmental Issues
Sa nakaraang SONA noong 2017, ipinag-utos ng Pangulong Duterte sa mga may-ari ng minahan na agarang linisin at i-rehabilitate ang mga lugar na nasira ng pagmimina.
Umapela rin ang Pangulo sa mga mining company na ideklara nang tama ang kanilang kita at buwis.
Marami ang naipasarang minahan sa bansa nang maupo ang noo’y Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Gina Lopez.
Pero ano na nga ba ang estado ngayon ng mga ipinasarang minahan na ito?
Ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, tuloy pa rin ang operasyon hanggang ngayon ng mga ipinasarang minahan.
Lahat po ay operational except po yung dalawa o tatlo, alam ko po yung isa sa Bulacan totally napatigil na ‘yan. ‘Yun pong isa sa Manicani Island sa Eastern Samar inabutan naman po siya nung talagang expiration nung mining contract niya last year, so habang naka-order yung closure niya inabutan siya noong expiration, natigil din po ‘yung sa Manicani Island. Pero the rest po, mula Zambales, Nueva Vizcaya, [tuloy po ang operasyon hanggang ngayon].
Sa mga talumpati ni Pangulong Duterte klaro na nais niyang ipatigil ang mining operation sa bansa dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan pero ayon kay Garganera iba at kabaliktaran ang nangyayari sa mga lugar na minimina.
Aniya bagama’t may mga closure orders laban sa mga nasabing minahan ay may regulasyon sa kasunduan nila sa gobyerno na kapag sila’y naghain ng apela ay mananatiling bukas ang kanilang minahan at tuloy-tuloy ang operasyon.
Nababagalan din si Garganera sa ginagawang pag-repaso ng Mining Industry Coordinating Council o MICC sa lahat ng ipapasarang minahan na sinimulan pa noong isang taon.
Binigyang diin ni Garganera na naniniwala silang kayang umangat ng ekonomiya ng Pilipinas kahit walang pagmimina sa bansa.
Kasi ang kontribusyon lang po ng pagmimina sa ekonomiya natin ay less than one percent lang po. Kung employment naman, 0.04% ang nae-employ po noong mining industry, pagdating po sa buwis, napakaliit lang po ng ibinibigay din niyan….. Ang hirap pong maintindihan, bakit natin ipa-prioritize yung isang industriya na less than one percent ang naiaambag? ang pwede niyang sirain yung agrikultura natin, yung pangisdaan natin, yung turismo natin.
Boracay Rehabilitation
Maganda ang takbo ng turismo sa bansa dahil na rin sa napakaraming magagandang lugar at destinasyon na puwedeng bisitahin dito.
Kaya naman marami ang nagulantang nang iutos ni Pangulong Duterte ang pagpapasara sa isa sa kilala at dinarayong isla sa Pilipinas, ang Boracay.
Abril ngayong taon nang isara sa mga turista ang isla para sa rehabilitasyon na ayon sa gobyerno ay tatagal ng anim na buwan.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources o DENR Undersecretary Jonas Leones, tuluy-tuloy ang pagsasaayos sa isla.
For example itong road network natin medyo bumibilis na sila medyo naaantala lang ng konti dahil sa ulan but I can say na medyo nasa 50 percent na sila. Dito naman sa waste water natin mukhang gumaganda na ang kalidad ng tubig sa Boracay beach front at tatanggalin na yung mga illegal connection doon, ‘yung mga sewer line.
Sinabi ni Leones sa muling pagbubukas ng isla sa Oktubre, hindi lamang mga establisyemento ang lilimitahan sa isla kundi pati ang dami ng turistang pumapasok dito.
Gusto nating matapos na ang carrying capacity study natin, diyan masasabi kung ilan lang tourist na lang ang pupuwede na makapasok doon in a given time at ano ba ilang development ang puwedeng i-allow.
Tiniyak din ni Leones na patuloy ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno sa mga naapektuhan ng pagsasara ng isla.
Aabot sa P1.3 billion ang gagastusin para sa rehabilitasyon ng Boracay.
Peace and Order
That is why, I have resolved that no matter how long it takes, the fight against illegal drugs will continue because that is the root cause of so much evil and so much suffering that weakens the social fabric and deters foreign investments from pouring in. The fight will be unremitting as it will be unrelenting.”—Duterte SONA 2017
Isa sa mga prayoridad na reporma ng Duterte administration ang pagpapaigting ng pagpapatupad ng katahimikan at kaayusan sa bansa.
Kaya naman agaran ding ipinatupad ang pagtaas sa sweldo sa mga opisyal ng Pambansang Pulisya, simula sa pinakamababang ranggo hanggang sa pinakamataas.
Sa katunayan, ipinagmalaki ng kasalukuyang tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Sr. Supt. Benigno Durana ang higit na pagbuti ng estado ng peace and order sa bansa, partikular ang pagbaba ng crime rate batay sa mga mapagkakatiwalaang survey.
Maliban din naman sa pagbaba ng crime rate, ayon naman sa political analyst na si Prof. Mon Casiple, mas ligtas na ang naging pakiramdam ng mga tao dahil sa anti-illegal drug campaign ng gobyerno na aniya’y suportado ng nakararami.
Para naman sa lider ng Liberal Party na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, hindi ito kumbinsido na naging matagumpay ang drug war ng gobyerno na aniya’y til tumatarget lamang sa mga mahihirap.
Sabi matitigil na ang droga, 3 to 6 months nga pero hanggang sa ngayon andiyan pa ang iligal na droga kahit ilan na ang napapatay.. Wala masyadong nakakulong na mamalaking personalidad na involve sa iligal droga. Hindi nagkaroon ng mga konkretong resulta matapos ang dalawang taon.
Duterte vs. Church, ‘Anti-tambay Campaign’, High Profile Killings
Hindi pa rin alintana ang pagkabahala ng ilang sektor at grupo sa nagaganap na ika nga’y serye ng patayan na hinihinalang bunga ng extra judicial killings kung saan pinakahuli ang pagkamatay nina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili, General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote, Vice Mayor ng Trece Martires City na si Alex Lubigan. Bago diyan, ilang insidente rin ng pagpaslang sa mga pari ang nangyari. Matatandaang lagi ring nagiging paksa ng pambibira ng Pangulo ang Simbahang Katolika.
Dahil dito sinabi ng mahigpit na kritiko ng gobyerno na si Sen. Antonio Trillanes, wala ng sinuman ang ligtas sa bansa ngayon.
Dagdag pa ni Trillanes, tila naging murder capital na ang Pilipinas sa Asya dahil sa ika nga’y ‘culture of impunity’ na nagsisimula nang umiral sa bansa.
Agad naman itong inalmahan ng administrasyon kung saan ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang basehan ang nasabing hinala lalo na at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tunay na motibo sa nasabing krimen.
Ayon naman kay National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman Rogelio Casurao, hindi rin dapat sisihin ang NAPOLCOM sa mga nangyayaring patayan halimbawa ay partikular sa kaso ni Mayor Halili.
Masyadong malayo kung bakit nauugnay ang NAPOLCOM doon, on the contrary tayo nga ang nagbibigay ng authority para ikaw ang mamahala ng peace and order sa lugar, wala po itong kinalaman sa security na hinahanap mo na sana nagbigay sayo ng proteksyon.
Sa katunayan, pagdating naman sa usapin ng mga police scalawag, sinabi ni Casurao na nasa 82 pulis na ang sinampahan ng kasong kriminal sa korte habang nasa 38 ang sinampahan ng kasong administratibo.
Karamihan aniya sa mga kinahaharap na kaso ng mga pulis ay pangongotong, pambubugbog, crime against women and children at pagkakasangkot sa iligal na droga.
Hindi rin nakaligtas ang mga tambay sa mga birada ng Pangulo.
Ayon sa datos, umabot na sa mahigit 20,000 ang naaaresto ng mga awtoridad sa Metro Manila kaugnay ng kampanya kontra mga tambay na lumalabag sa mga ordinansa hinggil sa curfew at anti-loitering.
Isinisi naman ng ilang labor groups tulad ng Pepsi Cola Workers Association sa labor contractualization o ‘end of contract’ ang pagdami ng mga tambay sa gitna ng implementasyon. Sa halip aniya na hulihin ay dapat bigyan ng trabaho ang mga tambay sa kalsada.
Isa sa mga pinakamalaking umugong na balita hinggil sa kampanya ay ang kaso ni Genesis Argoncillo alyas ‘Tisoy’, na isa sa mga naaresto sa pinaigting na operasyon ng pulisya laban sa mga tambay na nasawi habang nasa kustodiya ng PNP.
Sa darating na ikatlong SONA, tiyak na aabangan muli ng publiko ang magiging ulat ng Pangulo hinggil sa kanyang campaign promise na giyera kontra droga… ang tanong, may magiging pagbabago kaya sa kanyang maigting na laban sa iligal na droga o bahagyang lalambot na kaya ang Pangulo pagdating sa usapin dahil sa mga kritiko dito sa Pilipinas at sa ibang bansa?
Peace Talks
‘Urong Sulong’
Makailang ulit na nang mabalam ang nakatakda sanang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF upang tuluyan nang tuldukan ang ilang dekadang hidwaan ng pamahalaan sa makakaliwang grupo dahil sa ilang mga kadahilanan.
Matatandaan na noong nakaraang State of the Nation Address ng Pangulo ay hindi matatawaran ang patutsada ng Punong Ehekutibo kay Sison. Ang pinakahuli ay ang akusasyon na umano’y may sakit na kanser ang CPP founder.
Ikaw, Sison, tang … Mag-inom ka ng Tang ‘yung orange. Matanda ka na. Kayong Pilipinas, makinig, buong Pilipinas. Kayong mga bata, kayong mga Lumad natives, itong matatanda na ito, Sison is sick. May colon cancer. Ang gastos ng Norway, sumurender na siya. Kasi naging isyu sa pulitika eh. This government who sponsored those – who provided the good offices. Matatalo sa eleksyon dahil sa issue diyan. Kasi pabalik-balik ang mga b****, kala mo mga turista. Wala namang pinag-uusapan.—DUTERTE SONA 2017
Kaya’t hanggang ngayon, sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagang ipagpatuloy na ang peace talks sa bansa, hindi pa rin mapigilan ang pagsibol ng bangayan sa pagitan ng dalawang lider kaya’t ang nakatakda sanang maayos na ugnayan tungo sa pangmatagalang kapayapaan ay nagiging— Urong Sulong.
Ekonomiya (TRAIN Law, Inflation, Peso Devaluation)
The poor and vulnerable are at the heart of my tax reform. Your support would ensure that the benefits of the tax reform can be felt immediately by them.–DUTERTE SONA 2017
Disyembre ng nakaraang taon nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion na mas kilala bilang TRAIN Law, Sa pagpapatupad nito noong Enero, ang mga empleyadong sumasahod ng hindi hihigit sa P250,000 kada taon ay hindi na babawasan ng income tax. Gayunman ang kapalit nito ay dagdag buwis sa mga produktong petrolyo, mga pagkain at inuming ginagamitan ng asukal at iba pang produkto.
Ayon sa Department of Finance, pinakalayunin ng naturang batas na magamit ang pondo sa Build, Build, Build
Gayunman, ikinakatwiran ngayon ng gobyerno na ginagamit ang karagdagang pondo mula sa TRAIN, sa libreng tuition fees, dagdag sweldo ng mga pulis, BJMP. BFP at AFP.
Wala pang isang taon nang mapatupad ang nasabing batas, lumakas na ang mga panawagan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na suspendihin at amiyendahan ang TRAIN dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon naman kay Pangulong Duterte, ipinauubaya na niya sa Kongreso ang desisyon dahil wala siyang magagawa kung ano ang gagawin ng mga mambabatas sa TRAIN law.
Ayuda ng pamahalaan sa publiko
Aminado naman ang gobyerno na naka-alalay sila sa mga pinakamahihirap na Pilipino na tatamaan ng TRAIN Law.
Ayon kay Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, isa sa mga programa ng pamahalaan para ibsan ang epekto ng TRAIN ay ang unconditional cash transfer.
Sa ilalim nito, bibigyan ng P200 kada buwan o katumbas ng P2,400 ayuda kada taon ang pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Kinabibilangan ito ng 4.4 milyong benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer program, tatlong milyong senior citizens at 2.6 na milyong hindi kabilang sa pinakamahihirap na pamilya ngunit kapos ang kita.
Maliban dito, may hatid din ang pamahalaan na mga social walfare program sa pamamagitan ng pagbibigay ng discount sa NFA rice, libreng skills training mula sa TESDA at discount sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Para naman sa mga tsuper na apektado ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin, may handog na fuel vouchers ang pamahalaan na nagkakahalaga ng P5,000 para sa isang taon.
Batay sa plano ng pamahalan ngayong linggo naka-iskedyul ang pamamahagi ng naturang mga fuel vouchers.
Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinag-aaralan na ng regional tripartite wages and productivity board ang mga hirit na umento sa sahod.
Peso Devaluation, Inflation
Posibleng umabot pa sa 54 pesos ang palitan ng piso kontra dolyar sa mga susunod na araw.
Ito ang pangamba ng ilang personalidad sa financial sector oras na magtuloy-tuloy pa ang tensyon sa pandaigdigang kalakalan partikular sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Patuloy na aniya ang pagbagsak ng piso kontra dolyar ngayong taon.
Matatandaan na noong nakaraang buwan, nagsara ang palitan sa P52.700 mula sa P52.490.
Ito na ang pinakamahinang antas ng halaga ng piso kontra dolyar sa loob ng halos 12 taon.
Naitala rin nitong Hunyo ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo o inflation sa loob ng limang taon.
Lumalabas ding dumoble ang inflation nitong Hunyo kumpara sa kaparehong period nito noong nakaraang taon na nasa 2.5 percent lamang at ngayon ay nasa 5.2% na.
Ipinaliwanag ng PSA na mabilis na inflation para sa buwan ng Hunyo ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga alak at sigarilyo na nasa 20.8 percent pagtaas ng singil sa pabahay, tubig, kuryente at langis na nasa 4.6 percent.
Magtitiis? Magtitipid?
Anong ‘say’ ng isang ordinaryong mamamayan sa pagpapatupad ng TRAIN Law na anila’y nagpataas sa mga presyo ng bilihin?
Bangsamoro Basic Law
“By giving representation to indigenous peoples, women, children, and sultanates, and key stakeholders in the drafting of the Bangsamoro Basic Law, we ensure a Bangsamoro government that truly reflects the aspirations of our Muslim brothers and sisters as well as our indigenous brethren… In our sustained effort to achieve just and lasting peace … Just and lasting peace for a [unified] nation, we are pursuing an INCLUSIVE PEACE PROCESS, promoting the participation of all stakeholders, including those conflict-affected areas.—DUTERTE SONA 2017
Ito ang naging pangako ni Pangulong Duterte sa SONA nito noong nakaraang taon at sa Lunes, Hulyo 23 inaasahang lalagdaan at magiging ganap na batas na ang tinawag na Bangsamoro Organic Law, ang final draft na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
Inabot ng 6-araw ang tuloy-tuloy na pulong ng mga mambabatas upang mapagkasunduan ang ilang probisyon sa panukala.
Samantala, tiniyak ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nakasusunod sa itinatadhana ng konstitusyon ang ipinasang BBL final draft.
Umaasa rin si Zubiri na magiging katangga-tanggap ito sa mga stakeholder, gaya ng nabanggit ng Pangulo sa huling SONA nito.
I am hoping na acceptable sa kanila. May statement si Bishop Quevedo na kung sana ang BBL ay katanggap tanggap ng ibat ibang stakeholders tulad ng MILF. Sabi niya: “A good BBL will be an antidote to Islamic radicalization” ibig sabihin kung maganda ang BBL ito ay formula para mawala ang ISIS at Islamic radicals.”
Ang BBL ang isa sa priority bills ng administrasyong Duterte.
Sa pagsasabatas nito umaasa ang marami na tuluyan nang makakamit ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa Mindanao at maiiwasan na muling pumutok ang kaguluhan sa rehiyon.
West Philippine Sea
Taong 2016 nang paboran ng The Hague tribunal ang Pilipinas laban sa China kaugnay sa isyu ng agawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Inaasahan ng karamihan na istriktong maipapatupad ito ng pamahalaan upang protektahan ang karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea, ngunit batay sa ilang pahayag ng Pangulo, nagpapakita ito, ayon sa mga kritiko, ng pagkiling sa China.
Ayon kay Supreme Court Acting Chief Justice Antonio Carpio, nababahala siya partikular sa pahayag ng Palasyo na “out of goodwill” umano ng China ang pagpayag nito na makapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal.
Dahil dito, tila isinuko na ng Pilipinas ang karapatan nito sa China hinggil mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ipinagkibit-balikat lang naman ito ng Malakanyang at idinipensa na pinangangalagaan ng gobyerno ang arbitral ruling kung saan ay wala aniya’y dapat ipangamba ang mga Pilipino. Sa katunayan, ibinida ng Palasyo ang naging biyahe ng Pangulo sa Tsina na maituturing na matagumpay matapos makapag-uwi ang bansa ng mga pangakong $24-B na investment para sa kaunlaran ng imprastraktura maging sa mga rehiyon.
Dagdag pa ng pamahalaan, iniiwasan ng kasalukuyang administrasyon ang posibilidad na humantong sa pagtatalo ang usapin sa naturang karagatan at sumiklab ang digmaan.
Estado ng pagtingin sa kababaihan sa ilalim ng Duterte administration
Naging kontrobersyal ang Pangulo dahil sa mga maaanghang na salitang binitawan nito laban sa mga kababaihan.
Hindi nakaligtas rito maging ang mga babaeng humahawak ng matataas na posisyon sa gobyerno. Dahil dito, samu’t saring batikos ang natanggap ng Pangulo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan maging sa International community.
Depensa naman ng Palasyo, huwag masyadong seryosohin ang pananalita ng Punong Ehekutibo na aniya’y dulot lamang ng pagkabigo nito sa mga ilang kaganapan sa bansa.
Narito ang listahan ng ilan sa mga ‘controversial remarks’ ng Pangulo sa unang kalahating bahagi ng termino nito sa puwesto:
-
Sen. Leila De Lima
Nagsimula ang gusot sa pagitan ng dalawa noong taong 2009 nang simulan ni De Lima, na noo’y nakaupong Commission on Human Rights chair ang umano’y Davao Death Squad. Matatandaan na noong panahong ito ay alkalde pa si Duterte ng Davao City.
Agosto 2016 nang akusahan ni Duterte si De Lima na nagpapatakbo umano ng isang drug trafficking den sa Bilibid upang pondohan ang kanyang kampanya sa pagtakbo bilang senador.
Dahil dito, matapos ang isinagawang serye ng pagdinig sa Kamara at Senado upang imbestigahan ang akusasyong ito, sinampahan ng DOJ ng drug trafficking charges si De Lima. Inaresto si De Lima noong Pebrero 2017.
Umabot na rin ang iringan sa akusasyon ng Pangulo na pagiging immoral ni De Lima dahil sa umano’ypakikipag-relasyon ni De Lima nito sa kanyang driver na si Ronnie Dayan kahit may asawa ito.
Di ka na nahiya na magpalabas with the “prisoner of conscience?” Alam mo, totoo sa totoo lang, prisoner ka sa libog mo. Diyan nag-umpisa lahat ‘yan eh, your adulterous relation. Do not blame anybody.
Here is an immoral woman flaunting — well, of course, as far as the wife of the driver was concerned, it is adultery. Here is a woman who funded the house of her lover. And yet we don’t see any complaint about it.
-
Vice President Leni Robredo
Naging mainit ang pakikitungo ng Pangulo kay Vie President Robredo dahil bukod sa pagiging miyembro ng oposisyon, hindi rin nagkakatugma ang pananaw ng dalawang lider pagdating sa pamamahala ng bansa.
Bagamat irita, matatandaan na hindi rin naiwasan ng Pangulo na magbitiw ng ‘flirty comments’ sa kanyang bise.
Please don’t be offended because I’m not mad. You would know I’m mad when I start looking at beautiful women. “You know ma’am Leni would always wear skirts which are shorter than usual. At one time, Dominguez asked me come closer because I was far from them. But I told him, ‘Come here. Look at (Robredo’s) knees,’” he said as the crowd rolled in laughter. Maybe she noticed. I wanted to tell her, ‘Ma’am maybe next time you just wear shorts… But after our third meeting, she was already there at the far end of the table. I lost the view during the Cabinet meeting.
Nitong nakaraan lamang, binira muli ni Duterte si Robredo at tinawag na incompetent na mamuno ng bansa matapos sabihin ni Robredo na handa itong pangunahan ang oposisyon.
I don’t think she will be ready to govern a country. Reason? Incompetence. She is not capable of running a country like the Philippines.
-
Ex-Chief Justice Maria Lourdes Sereno
Hindi rin nakaligtas ang napatalsik na Chief Justice sa mga patutsada ng Pangulo. Ayon kay Duterte, itinuturing niyang kaaway si Sereno at nararapat lamang na mapatalsik ito sa puwesto.
Nag-ugat ang pagkainis ng Pangulo matapos kuwestyunin ni Sereno ang kinalaman ng Punong Ehekutibo sa pagsasampa ng quo warranto laban sa kanya.
Ikaw Sereno, sinabi ko na sa ‘yo, hindi ako nakialam. If you are insisting, count me in. Count me in and I will egg Calida to do his best. Ako na mismo maglakad, magkalaban sa ’yo. Sinabi ko na sa’yong hindi ako nakikialam.
Sige ka diyan, daldal nang daldal, sige, upakan kita. I will help any investigator, talagang upakan kita. I am putting you on notice na I am now your enemy and you have to be out of the Supreme Court. I will see to it then after that I will request the Congress, go into the impeachment right away.
I’d like to ask Speaker Alvarez now, kindly fast track the impeachment of Sereno. She is bad for the Philippines.
Alam mo kung bakit I castigated you in public, ignorante ka eh.
Sabi ko, hindi ko susundin ‘yan Madame Justice kasi bobo ‘yang batas mo.
Sabi ko, torpe ka. That’s why you should not be there. For a Chief Justice, hindi mo alam ‘yan.
Magugunitang tinanggal sa puwesto ng kaniya mismong mga kapwa mahistrado sa Korte Suprema si Sereno matapos paboran ng mayorya sa kanila ang inihaing quo warranto petition, sa botong 8-6.
- Ombudsman Conchita Carpio Morales
Sa isang panayam, tinawag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na hindi katanggap-tanggap ang mga pananalita ng Pangulo hinggil sa intensyong patayin lahat ng drug personalities.
Ito ay dahil aniya ang opisina ni Morales ay may mandato na imbestigahan ang mga umano’y extra judicial killings na nagaganap sa drug war ng gobyerno.
Dahil dito, nakatikim si Morales ng maanghang na salita mula sa Pangulo.
Matatandaan din na inanunsyo noon ng Pangulo ang kanyang intensyon na bumuo ng isang komisyon na mag-iimbestiga sa umano’y katiwalian sa Office of the Ombudsman.
Since when did you anoint yourself spokesman of the criminals? Rendahan mo bunganga mo kasi may problema.
Pamangkin ni Morales ang asawa ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
-
Female Communist Rebels
“SHOOT IN THE VAGINA… [BARILIN SA P***]”
Ito ang naging mistulang utos ni Duterte sa kasundaluhan laban sa mga babaeng rebelde.
Tell the soldiers. There’s a new order coming from the mayor. We won’t kill you. We will just shoot your vagina. If there is no vagina, it would be useless.
Ayon sa Pangulo kapag nabaril ang mga babaeng rebelde sa kanilang mga ari, magiging wala na itong silbi.
Umani ng batikos ang pahayag nito ng Pangulo mula sa iba’t ibang grupo, kabilang ang Gabriela, maging ang dating kalihim ng Social Welfare and Development na si Judy Taguiwalo at ibang mga miyembro ng Kamara.
Dahil dito, nailunsad ang #BabaeAko movement upang kontrahin ang umano’y misogynist remarks ng Pangulo laban sa mga kababaihan.
Federal Form of Government
Pederalismo. Isa ito sa mga reporma sa sistema ng gobyerno na bukam-bibig ng Pangulong Duterte na nais niyang ipatupad sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Ang pangunahing layunin nito ay mawala sa Imperial Manila ang lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan at ibigay ito sa mga federal region sa bansa.
Dahil dito, agad na bumuo ang Pangulong Duterte ng Constitutional Commission o Con-com na babalangkas sa bagong Saligang Batas na angkop sa isinusulong na pederalismo.
Sa ngayon ay naisumite na ng Con-com sa Kamara at Senado ang final draft ng federal charter.
Para matutukan ng Kongreso ang pagsasabatas ng federal constitution at bigyang daan ang transition period, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mas magiging praktikal kung hindi na magkakaroon ng eleksyon sa 2019 na kinontra naman ng ilang mambabatas.
Ayon sa mayorya ng mga senador hindi dapat minamadali at kailangang pag-aralang mabuti ang federal draft.
Ibinabala rin na hindi malayong magalit ang taumbayan sa oras na ipilit ang Charter change o Cha-cha.
Ito’y kung saan lumabas sa survey na dalawa sa bawat tatlong Pilipino ang tutol sa Cha-cha.
Target ng Con-com na maisabatas ang federal constitution sa Disyembre.
Tinanong ng DWIZ ang mga ordinaryong mamamayan, ano para sayo ang pagbabagong hatid ng administrasyong Duterte sa pagpasok nito sa ikatlong termino? Positibo ba o negatibo?
1. ANTONIO SANTOS (61 years old, vendor at U.N Taft Avenue, Manila)
Negative. Sa akin naman kasi, yung mga hindi naman talaga kasama sa droga, napapatay. Hindi naman dapat niya idamay yung ibang wala namang kinalaman sa droga,…maraming may gusto sa kanya kaya lang yung naging pamamalakad niya atsaka yung ano niya, maraming nagalit sa kanya. Tulad naming mga vendor, nalulugi pinaalis kami dito, tatakbo kami syempre, apektado yung kabuhayan namin dito…syempre eh kaysa gumawa kami ng ano (masama), maghahanap buhay kami… kaya nga sa aming mga vendors, bakit binoto natin siya? Kasi sinabi niya na tutuparan niya yung pangako niya, tuparin niya. Diba? Bakit hindi niya tinupad yung mga pangako niya? Katulad doon sa Divisoria, maraming galit sa kanya kasi di niya tinupad yung mga pangako niya kaya sa susunod na eleksyon, ayaw na sa kanya.
2. RAMON MERCADO (37 years old, tricycle driver in Paco, Manila)
Negative. Eh sa sobrang mahal ng bilihin eh…..sa sobrang mahal ng bilihin eh kakaunti lang naman ang kinikita ng tao eh. Eh syempre may mga anak pa kami na pinag-aaral, syempre pagkakasyahin namin yun. Eh kumikita kami dito 400, 500..mahihirapan kami. Eh walang trabaho asawa ko, naglalabada lang paminsan minsan.
3. HERNAN TEOTICO (39 years old, construction worker)
Negative. Kasi yung mga pangyayari katulad sa droga, isa rin yan sa mga sinosolusyonan niya tapos yung mga nagpapatakbo ng droga, yung mga malalaking tao na big time na nga, iyayaman pa nila mga sarili nila eh paano naman yung mga taumbayan na naghihirap kaya negative ako kay Duterte.
4. JEM ELIJAH MALONZO (HRM Student, Philippine Women’s University, Manila)
Negative. Ito talaga ang naramdaman ko, kahit Bicolano ako, negative talaga kasi though bumaba ang drug users pero kasi ang puno’t dulo ng drugs or paggamit ng drugs ay syempre kahirapan at lalo pa ngayon na bumaba ang ekonomiya ng Pilipinas, tapos nagpapaapi pa tayo sa China so for me, negative. It’s a no for Duterte Administration.
Sa panulat ng DWIZ Social Media Team (Aiza Rendon, Ira Y. Cruz at Kristel Mae Deang)
Edited by: Jun del Rosario
—-