Halos 95% na ng priority bills na inilatag sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at State of the Nation Address (SONA) ang nakumpleto ng Kamara.
Ito ang ibinida ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd district Rep. Manuel Jose Dalipe ukol sa mga panukalang batas na inaasahang magsusulong sa prosperity agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Rep. Dalipe, 54 sa 57 LEDAC priority measures na ang aprubado ng Kamara. Kasalukuyang nakasalang ang mga ito sa technical working group.
Sa 54 na ito, 11 na ang ganap na batas.
Samantala, sa 17 na panukalang batas na inilatag ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang SONA noong nakaraang taon, 100% na ang naipasa ng Kamara.
Sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez, iginiit ni Rep. Dalipe na ginawa ng Kamara ang lahat upang suportahan ang legislative, prosperity, at economic development agenda ni Pangulong Marcos na may layong iangat ang buhay ng bawat Pilipino.
Samantala, tiniyak ng mambabatas na nakatuon silang ipasa ang mga natitirang priority measures ng LEDAC. Ito ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act, Budget Modernization Bill, at National Defense Act.