Sa Hulyo 24 ng taong kasalukuyan…
Kasabay ng pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng ika-17 Kongreso, muling maririnig ng mga Pilipino ang ikalawang ulat sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dito ilalatag ng Pangulo ang mga nagawa at pagbabagong naisakatuparan ng kaniyang administrasyon sa kaniyang unang taon sa puwesto bilang Punong Ehekutibo ng Republika ng Pilipinas.
Mula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 30 ng nakaraang taon, apat na mahahalagang pangako ang binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaniyang tutuldukan kapag naupo na sa puwesto.
Iyon ay ang droga, krimen, katiwalian at terorismo.
Sa kaniyang unang taon bilang Pangulo, trabaho agad ang kaniyang inatupag bilang pagtupad sa kaniyang mga ipinangako noong panahon ng kampaniya.
Kaya gayun na lamang ang pagsusumikap ng administrasyon upang maibigay ang tunay na pagbabago na kanilang pinapangarap para sa bansa.
Pero sa kabila nito, sinasabayan ang Pangulo at ang kaniyang administrasyon ng mga hamong nagsisilbing balakid para maihatid ang sinasabing tunay na pagbabago.
Sa unang taon ng panunungkulan ng administrasyong Duterte, natupad nga ba ang mga pangako ng tunay na pagbabago para sa bansa?
Noong unang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang diin niya ang pagtupad sa kaniyang mga ipinangako noong panahon ng kampaniya.
Maliban sa pagsugpo sa droga, krimen at katiwalian, malaking hamon din para sa Pangulo ang aspeto ng pagpapalago ng ekonomiya.
Kaya naman tinututukan ng administrasyong Duterte ang mga usaping may kinalaman sa sikmura ng bawat Pilipino.
Subalit, naniniwala rin ang Pangulo na hindi ganap na matatamo ang pag-unlad kung patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga manggagawa mula sa pagiging salat sa imprastraktura.
Gayundin, naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ganap ang magiging pag-unlad ng Pilipinas kung lagi itong nakadepende sa pakikipag-ugnayan sa iilang mga bansa lamang.
Kaya naman binuksan ng Pangulo ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na dati’y hindi naman napapansin o nagiging laman ng balitaan.
At ngayon, unti-unti nang umaani ng respeto ang administrasyong Duterte mula sa iba’t ibang bansa sa mundo dahil sa pagpapatupad nito ng independent foreign policy.
Samantala, pinakamatinding problema na ng pamahalaan marahil na kinakaharap ngayon ng administrasyong Duterte ay ang terorismo.
Panahon pa lamang ng kampaniya, ibinabala na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad ng unti-unting pagpasok sa bansa ng international terrorist group na ISIS o Islamic State of Iraq and Syria.
Giit ng Pangulo, malaki o halos magkadikit na ang koneksyon ng terorismo at iligal na droga dahil dito nagmumula ang kanilang pondo para makapaghasik ng takot at karahasan sa mga mamamayan.
Binigyang diin ng Pangulo sa kaniyang unang SONA noong isang taon, na matatamo lamang ng Pilipinas ang kapayapaan at ganap na kaayusan kung magkakaisa ang bawat partido sa iisang layunin, ang magkasundo at ibaba ang mga armas.
Gayundin, kung mabibigyan aniya ng pagkakataon ang bawat lalawigan at bayan ng kalayaan para pamahalaan ang kani-kanilang nasasakupan.
Isang taon na ang nalagas sa administrasyong Duterte para tuparin ang pangako nitong bigyan ng ganap at dalisay na pagbabago ang Pilipinas… at mayroon pang limang taon ang administrasyon para maihatid ito.
At bago pa man marinig ang ulat sa bayan ng Pangulo sa ikalawang pagkakataon sa Lunes, ano ang iyong SANA sa SONA?
Sa sama-samang pagkilos at pakikibaka upang matapos ang mga suliraning kinahaharap ng bansa, walang dudang makakamit na ng Pilipinas ang isang mapayapa, matiwasay at maunlad na bansa.
Ito na ang panahon ng pagkilos, bago pa tuluyang mahuli ang lahat.
Pakinggan ang kabuuan ng SIYASAT ang SONA NG PANGULO:
Unang Bahagi ng Siyasat: SONA ng Pangulo
Pangalawang Bahagi ng Siyasat: SONA ng Pangulo
By Jaymark Dagala / Siyasat | Social Media Team
Photos and Videos Credit: Presidential Communications