Natunghayan na natin ang Ulat sa Bayan ng dalawa nating mga matataas na lider ng bansang Pilipinas, at ito ay mula sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.
At pinakinggan natin ang nilalaman ng kanilang magkahiwalay na talumpati, na sa kabuuan ay puro naman patutsada at banat sa mga kritiko.
Kaya naman ang taumbayan ay nalilito na, ano ba talaga ang kabuluhan ng Ulat sa Bayan?
Di ba dapat ay inilalatag mo rito ay ang mga nagawa ng bawat isang pinuno, lalo’t karapatan ng bawat Pilipino na malaman ang tunay na estado ng ating bansa.
Ang problema, imbes na marinig natin ang problema at ang karampatang solusyon, ang paninisi ang namayani.
Well, wala namang kasing isang pinuno na ibabalita niya sa sambayanan ang mga mali sa kanyang panunungkulan, siyempre yung mga mababangong pangyayari sa bansa ang kanyang iuulat.
Yun nga lang, nariyan ang Kontra SONA, o yaong pinauso ngayon ni VP Binay na TSONA, dahil para sa kanya ito raw ang tunay na SONA, dahil hindi siya sang-ayon sa mga sinabi ng dating niyang Boss na si Pnoy.
Pero kung tutuusin, sa limang taon niyang nasa poder siya ni Pnoy, hindi siya nag-ingay kung alam niyang may mga mali at palpak na ginawa ang Aquino Administration.
Sa makatuwid lamang, naibulalas lamang niya ang baho ng dati niyang Boss, dahil hindi niya nakuha ang matagal na niyang inaasam na bendisyon mula sa Pangulo, ang endorsement sa Pagka-Pangulo sa 2016 election.
Talagang ganyan ang madalas na sitwasyon sa politika, kung kakampi ka, siyempre sang-ayon ka at mistulang “believer” ka at abot langit ang iyong sampalataya, pero kung naghiwalay na kayo ng landas na tinatahak, aba’y ang dami mong kasiraang sasabihin sa iyong kalaban.
Ang hindi lamang siguro magandang pakinggan, bagamat tama ang mga isyung binabato laban sa Aquino Administration, ay lumalabas ngayon tinutuligsa ang taong nagsasalita o yaong mensahero dahil sa kanyang kredibilidad at integridad, dahil sa mga isyung pinupukol sa kanya na katiwalian.
Harinawa, ang mga botante na ang humusga kung ano ang basa ninyo sa mga SONA at TSONA nitong dalawa nating lider.
Madali lang naman iyan itindihin, kung naniniwala ka sa SONA ni PNoy ay tiyak na ika’y maka-Tuwid na Daan, at kung kay VP Binay ka naman, tiyak ay ikaw ay maka-UNA at Buhay mo ay Gaganda.