Hindi sapat para sa grupo ng kababaihan at cause oriented groups ang paghingi ng sorry ni resigned Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, isa sa mga nagsampa ng kaso laban kay Tolentino sa Office of the Ombudsman, hindi naman inaamin ni Tolentino na siya ang nagdala ng Playgirls sa event ng Liberal Party (LP) at birthday party ni Congressman Benjie Agarao.
Iginiit ni Kapunan na tuloy pa rin ang kaso laban kay Tolentino sa kabila ng pagbibitiw ni Tolentino bilang MMDA Chairman at paghingi ng paumanhin sa insidente.
“Hindi po sapat kasi hanggang ngayon ay hindi pa niya inaamin kung sino ang nagdala ng mga kababaihan doon, kung ang basehan natin ay ang Facebook eh kailangan talagang imbestigahan kung sino talaga ang nagdala kasi violation yun sa ethical standards yung magbibigay ng regalo, imagine ireregalo at gagawin mong special gift ang mga kababaihan?” Ani Kapunan.
Maging si Congressman Agarao ay hindi pa ligtas sa kaso kahit pa hindi isinama ang kanyang pangalan sa complaint sheet laban kay Tolentino.
Ayon kay Kapunan, marami ang puwedeng makaladkad sa kaso, depende sa kalalabasan ng internal investigation na isinasagawa ng Partido Liberal.
“Kasi hindi ibig sabihin na porke nag-resign na eh wala na siyang sala, yung akusado dito eh Tolentino at iba pa, mukhang hindi lang siya ang responsible, may internal investigation ang Liberal Party para malaman kung sino ang responsible, so kung sino man ang mga naimbestiga nila at sila ang responsible ay ia-ammend natin yung complaint at idadagdag natin silang lahat.” Pahayag ni Kapunan.
By Len Aguirre | Ratsada Balita