Tinanggap na ni Senator Alan Peter Cayetano ang paghingi ng paumanhin ni Senator Antonio Trillanes sa inasal nito sa hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights noong Setyembre 15.
Ayon kay Cayetano, pare-pareho lang naman silang tao ni Trillanes kaya’t maluwag sa loob niyang tinanggap ang letter of apology ng senador.
Una nang nagpadala ng liham si Trillanes sa tanggapan ni Cayetano kung saan nangakong hindi na mauulit ang naturang pangyayari.
Sa kanyang liham, idinepensa ni Trillanes na nadala lamang siya ng emosyon kaya nagawa niya ang mga bagay na hindi nararapat sa isang kapwa senador.
Si Trillanes ay kasama sana sa mga tutuligsain ni Cayetano sa privilege speech niya pero dahil sa letter of apology nito ay tinanggal ng senador ang bahaging iyon ng kanyang talumpati.
Matatandaang umani ng kaliwa’t kanang pagbatikos si Trillanes matapos patayan ng microphone si Cayetano habang nagsasalita sa pagdinig ukol sa umano’y extrajudicial killings.
By Jelbert Perdez