Malaking banta sa seguridad ng bansa ang plano ng DITO telecommunity na magtayo ng kanilang pasilidad tulad ng mga cell tower sa loob ng mga Kampo Militar.
Ito ang ibinabala ni Sen. Risa Hontiveros sa harap na rin ng kaniyang pangamba na kontrolin na ng China ang DITO dahil sa 40% ownership nito.
Ginawa ng Senadora ang pahayag sa gitna ng mga ulat na paggamit umano ng cyber surveillance ng China sa iba pang mga bansa .
Hindi ito panghihimasok lang ng isang ordinaryong kompanya. Panghihimasok ito ng Chinese Communist Party, ang Politburo nila mismo,” pagbibigay-diin niya sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of National Defense (DND).
Binigyang diin ni Hontiveros ang pagbabawal sa pagpasok ng 5G Technology mula China dahil tiyak sasakupin nito ang Communication systems ng bansa.
China is clearly trying to gather data that could compromise the Philippine Navy, our first line of defense in the West Philippine Sea. Dapat nakalaan ang cybersecurity budget ng DND sa paglaban sa patuloy na pananalakay ng Tsina kung tunay na gusto nating protektahan ang ating soberanya,” dagdag ni Hontiveros.
Una rito, nanawagan si Hontiveros sa Commission on Audit (COA) na repasuhin ang panukalang P500-milyon pondo sa 2020 spending ng Department of National Defense hinggil sa cybersecurity.