Idinepensa ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa naging pahayag nito hinggil kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ito’y makaraang sabihin ni Dela Rosa na nagbagong buhay na umano ang dating alkalde dahil nagbihis babae na ito sa loob ng bilangguan.
Ayon kay Sotto, posibleng nagbibiro lamang si Bato nang bitiwan ang nasabing pahayag subalit naniniwala siyang may mensahe itong nais bigyang diin.
Kasunod nito, ibinunyag ni Sotto na may hawak siyang mga litrato ni Sanchez na nakabihis babae nga sa loob ng selda nito at kaniyang ilalabas sa susunod na mga araw.
Dapat tinuloy niya yung joke, nagbago na kasi nakabihis babae na ngayon. Oo, totoo may mga litrato eh ipiprisinta ko sa hearing abangan niyo. Ngayon yung second chance naman na ‘yon kung baga sa ano naputol yung dapat sabihin or unless yun talaga ibig niyang sabihin, pero tingin ko gustong magbiro, the other side is ano second chance to commit the same crime again?”, ani Sotto.
Magugunitang si Sanchez ay nakulong dahil sa kasong panggagahasa at pagpatay sa estudyante ng University of the Philippines na si Marie Eileen Sarmenta gayundin sa nobyo nitong si Allan Gomez.
Kaugnay nito, naniniwala si Sotto na posibleng maging magandang argumento ang kaso ni Mayor Sanchez para muling buhayin ang isyu ng pagbabalik ng death penalty sa Pilipinas.
This is a good argument for death penalty, merong death penalty noon nung na-commit yung crime eh pero na-commute sila dahil nga dun sa tinanggal yung death penalty. So, kung merong death penalty ito 101% itong kasalanan ito tsaka nung mga kasama niya eh, pati nung mga kasama niya dapat dyan nasunod kina Jaime Jose ‘yang mga ‘yan”, ani Sotto.