Wala nang dapat ipaliwanag pa sa publiko si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III.
Ito’y ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay kasunod ng mga alegasyon laban kay Duque na kinilingan nito ang mas mahal na bakuna kontra COVID-19 ng China kumpara sa mas murang bakuna mula naman sa Amerika.
Magugunitang si Duque ang pinatatamaan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na nagpabaya umano kaya’t naunsyami ang pagbili sana ng Pilipinas ng bakuna kontra COVID-19 mula sa Pfizer Biontech.
Hindi na kailangan. Anong ipapaliwanag niya? Hiningi ‘yong papeles sa kanya, hindi niya binigay, anong kailangan niyang ipaliwanag doon, ‘di ba? Ang tagal na n’on.Walang kailangan ipaliwanag doon, talagang, ika nga, according to the words of Amb. Babes Romualdez, Sec. Teddy Boy Locsin, eh sabit na sabit. Imbes na nakatulong, kumbaga sa basketball, nabitawan yong bola. Nag-fumble,” ani Sotto.
Una nang dumipensa si Duque sa usapin na nagsabing nag-iingat lamang siya kung bakit hindi agad inaprubahan ang pagbili ng Pilipinas ng bakuna mula sa Pfizer.
Dahilan upang hindi maitago ni Sotto ang kaniyang pagkadismaya sa kalihim.
Kasi ganito, ang problema sa atin, may mga departamento tayo na ang mga secretary, magagaling kasi proactive. Number 1 na si Sec. Locsin, pro-active eh. Si Lopez ng DTI proactive. Yong mga yon, nakikita mo ang trabaho, proactive eh Sec Dominguez, Executive Secretary Medialdea, puro mga proactive ‘yon. Ngayon, pag-reactive, ayan, ‘yan ang sumasabit,” ani Sotto.