Sasampahan ng kasong libelo ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto ang mga taong nasa likod ng fake blog na bumatikos sa pitong senador na hindi lumagda sa resolution na kumukondena sa nagaganap umano na ‘EJK’ sa bansa.
Ayon kay Sotto, hindi niya mapapatawad ang mga taong ito makaraang tirahin siya ng pekeng balita sa social media kung saan tinawag siya na plagiarist, bigot at rapist.
Binigyang diin ni Sotto na malinaw na bahagi ng destabilisasyon laban sa administrasyon ang grupong nasa likod nito.
Kasama ni Sotto sa mga binatikos sa blog na “#silent no more ph” ang mga kapwa senador na sina Cynthia Villar, Manny Pacquiao, Richard Gordon, Migz Zubiri, Gringo Honasan at Senate President Koko Pimentel.
—-