Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na layong mas mabigyan ng proteksyon ang mga nasa broadcast media kabilang ang cable television, wire service organizations, at electronic mass media.
Base sa Republic Act No. 11458, hindi maaaring pilitin ang sinumang mamamahayag na ibunyag ang kanilang mga confidential sources hanggat walang kautusan mula sa Korte Suprema, Kamara, Senado o anumang congress committee.
Sakop ng batas na ito ang mga accredited journalist, publisher, writer, reporter, contributor, opinion writer, editor, columnist, manager, at media practitioner na kasama sa pagsusulat, pag-eedit, pagpo-produce at paglalahad ng balita sa publiko sa broadcast media, wire organizations at electronic mass media.
Inamyendahan ng R.A. 11458 ang R.A. No. 53 o mas kilala bilang ‘Sotto Law’ na naisabatas higit 70 taon na ang nakararaan at nagbibigay proteksyon lamang sa print media.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang inamyendahang batas noong Agosto 30 at magiging epektibo makalipas ang 15 days official publication.