Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na panahon na para alisin ang VIP o special treatment na ibinibigay sa mga opisyal ng gobyerno lalo na sa mga paliparan.
Binigyang diin ni Sotto na dapat ay sumunod lalo na sa safety protocol ang lahat para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Kasunod na rin ito nang pag viral ng video ni ACTS-OFW Party-list Representative John Bertiz kung saan makikitang kinakastigo nito ang isang airport personnel.
Sinabi ni Sotto na nangyayari ang mga nasabing insidente dahil sa ibinibigay na VIP card sa ilang indibidwal na kadalasang nauuwi sa pang aabuso.
Samantala, nilinaw ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na tanging sa pangulo lamang ng bansa ibinibigay ang special treatment.
Ang mga nabigyan aniya ng special ID sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tulad ng mga miyembro ng media at ilang opisyal ng gobyerno ay kailangan pa ring sumunod sa mga ipinatutupad na protocol.
Ipinabatid pa ni Monreal na hindi pa nila binabawi ang access pass kay Bertiz at ito na aniya ang bahalang magpasya kung isasauli ang nasabing special pass.