Imposible nang maging drug free country ang bansa.
Ito ang inihayag ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, kasunod ng pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na kayang sugpuin ang problema sa iligal na droga sa bansa sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Sotto, ang sinasabi ng Pangulo hinggil sa sitwasyon ng iligal na droga sa bansa ay noon pa niya ipinangangalandakan, 20 taon na ang nakalilipas subalit ilan lamang ang nakinig sa kanya.
Giit ni Sotto, ang maaaring gawin ng pamahalaan ay sikaping maging drug resistant na ang bansa.
Para naman kay Senador Antonio Trillanes IV, muli lamang pinatunayan ni Pangulong Duterte ang pagiging sinungaling nito at panloloko sa publiko noong nangakong lulutasin ang problema sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan.
Ikinumpara pa ni Trillanes si Pangulong Duterte sa isang monster o halimaw na aniya’y hayok sa pagpatay dahil sa mga baluktot na katwiran sa mga sinasabing EJK o extra judicial killing sa bansa.