Pinayuhan ni Senate Majority Floor Leader Vicente “Tito” Sotto III si Health Secretary Paulyn Ubial na unawain at epektibong ipatupad ang nilalaman ng RH o Reproductive Health Law.
Tugon ito ni Sotto sa hamon ni Ubial sa mga bumabatikos sa kanilang plano na mamahagi ng condom sa mga high school student na magbigay at magprisinta na alternatibong solusyon sa lumalalang problema sa HIV/AIDS.
Iginiit ni Sotto na nakapaloob na sa RH Law ang lahat ng solusyon.
Ang problema, ayon kay Sotto, mayroon siyang impormante na nagsabing hindi ginagamit sa pagpapatupad ng RH Law ang pondo na nakalaan para rito.
Idinagdag pa ng Senador na wala namang pag-aaral na nagsasabing sexual contact sa hanay ng mga estudyante ang isa sa mga rason sa pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS.
Matatandaang sinabi ni Ubial na magiging sistematiko naman ang kanilang pamamaraan para sa pamamahagi ng condom at kaakibat aniya nito ang pagbibigay edukasyon hinggil sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik tulad ng STD, HIV at AIDS.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno / Race Perez