Makabubuti kung kakausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senador ukol sa resulta ng ginawang imbestigasyon ng senate committee of the whole sa panibagong isyu ng iregularidad sa PhilHealth.
Ito ang naging reaksyon ni Senate President Vicente Sotto III hinggil sa pahayag ng pangulo na hindi ito ang tamang panahon para magbitiw sa pwesto si Duque.
Paliwanag ni Sotto, mas maganda sanang ipabasa ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Pangulong Duterte ang inilabas nilang committee report.
Sa tingin kasi ni Sotto, hindi alam ng pangulo ang tunay na nangyayari sa PhilHealth kaya’t sinasabi niyang nanatili at buo ang tiwala niya kay Duque.
Samantala, iginiit din ni Sotto, sa ilalim ng article 217 ng revised penal code, mananagot aniya ang lahat ng may kinalaman sa mga ilegal na transaksyon sa PhilHealth —pumirma man o hindi sa mga dokumento ng ahensya, at lalo na kung chairman ng board. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno