Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na kasama na sa Bayanihan to Recover as One act (Bayanihan 2) ang benepisyo para sa mga health worker na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sotto, tuloy pa rin ang bicameral conference committee hearing para sa Bayanihan 2 kahit pa isailalim sa dalawang linggong lockdown ang senado matapos manawagan ang mga medical frontliners at health workers ng “timeout” dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ani Sotto, kabilang sa benepisyong matatanggap ng mga health worker na ay ang risk allowance, life insurance, free accommodations, free transportation, free and frequent COVID-19 testing, P10,000 hanggang P15,000.
Aniya, sa ngayon ay nangungunang usapin ang kalusugan ng mga Pilipino at lahat umano ng paraan para matugunan ito ay gagawin at susuportahan ng senado.
Kasabay nito, nilinaw ni Sotto na hindi mababago ang nakalaang P140-bilyon na nakalaan para sa Bayanihan 2 kahit pa idinagdag dito ang karagdagang benepisyo para sa mga health workers.