Higit na mas malaki ang nakatakdang bayaran ng South Africa para sa presyo ng kada dose ng bakuna laban sa COVID-19 na mula sa Astrazeneca na nagkakahalagang $5.25 ayon kay Health department Deputy Director-General Anban Pillay.
Ito ay mas mataas kung ikukumpara sa napagkasunduang presyo ng kada dose ng bakuna ng mga bansa sa ilalim ng African Union (AU) na dapat ay nasa $3 lamang kada dose.
Mas mataas rin ang presyo nito kung ikukumpara sa 2.5 Euros o $3.03 na napagkasunduang bayaran ng mga bansa sa ilalim Europian Union.
Batay sa panayam ng Reuters kay Pillay, ito ay bunsod ng estado ng South Africa bilang upper-middle income na bansa base sa klasipikasyon ng World Bank.
Paliwanag ni Pillay, may ambag sa research and development ng Astrazeneca ang mga bansang nakakuha ng mababang presyo na gawa sa pinakamalaking pagawaan ng bakuna sa mundo na Serum Institute of India (SII).
Dagdag pa nito, susubukan ng South Africa na makipagnegosasyon para sa mas mababang presyo.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento ang SII kaugnay dito gayundin ang Astrazeneca.
Matatandaang ang South Africa ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa kontinente na mayroong higit 1.3 milyong kaso at higit kumulang 38k naman ang nasawi.—sa panulat ni Agustina Nolasco