Nakarating na sa Pilipinas ang coronavirus variant na unang natukoy sa South Africa o ang B.1.352.
Ayon sa Department of Health (DOH), anim sa naturang variant ang naitala sa bansa.
Sa naturang bilang, tatlo sa mga ito ang local, dalawa naman ang returning Overseas Filipinos, habang tinutukoy pa ang pinanggalingan ng isa pang nalalabing kaso.
Kapwa mga residente naman ng Pasay City ang tatlong naitalang local case ng South African variant; habang dalawa ang nananatiling aktibong kaso, at ang isa naman ay naka-recover na.
Bukod pa rito, nakapagtala rin ng 30 karagdagang kaso ng B.1.1.7 variant o ng UK variant ang DOH, dahilan para sumampa na sa kabuuang 87 ang kaso nito sa bansa.
Samantala, lumalabas naman sa ebidensya na mas nakahahawa ang South African variant na ito dahil mas makapit umano ito sa human cells.