Plano ng China na magsagawa ng military exercises at energy exploration sa pinag-aagawang lugar sa South China Sea kasama ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Nais umano ng China na huwag isama sa planong aktibidad ang ibang mga bansa sa labas ng ASEAN tulad ng Estados Unidos.
Batay sa report ng Agence France-Presse, ilang taon na ring binubuo ang code of conduct sa pagitan ng China at ASEAN upang magsilbing giya ng bawat bansa sa kanilang mga aktibidad sa mga inaangkin nilang bahagi ng South China Sea.
Nakapaloob di umano sa draft document na nakalap ng Agence-France ang bargaining positions ng bawat bansang may inaangking bahagi ng South China Sea.
Sinasabing ang vietnam ang may pinakamatinding pagtutol sa mga aktibidad ng China sa South China Sea.
Sa katunayan, mayroon itong panawagan sa mga kapwa bansa sa ASEAN na ipatigil ang paglikha ng mga pekeng isla at paglalagay ng military installations sa pinag-aagawang lugar.
Maliban sa Vietnam, ang iba pang bansang may inaangking bahagi ng South China Sea ay ang Brunei, Malaysia, Indonesia at Pilipinas.
—-