Inihayag ng South Korea na nagpaputok ito ng warning shot sa isang North Korean Patrol Boat na pansamantalang tumawid sa pinagtatalunang border ng kanlurang dagat ng mga bansa habang tinutugis ang isang North Korean Vessel.
Ayon sa Seoul Defense Ministry and Joint Chief of Staff, ang patrol boat ay tumawid sa tinatawag na northern limit line habang hinahabol ang nasabing vessel malapit sa Baekryeong Island ng South Korea.
Umatras ito matapos ang warning shot at kinuha ng mga opisyal ng militar ng South Korea ang barkong hinahabol ng patrol boat kung saan kinwestyon nito ang pitong crew member.
Samantala, ang South Korea Navy ay karaniwang nagbibigay ng warning shot upang paurungin ang mga sasakyang-dagat ng North Korea na tumatawid sa sea border nito. —sa panulat ni Airiam Sancho