Makikipagsapalaran umano sa Pilipinas si Minzy na dating kagrupo ni Sandara Park sa South Korean girl group na 2NE1.
Ito’y makaraang mabatid na lumagda na ng kontrata sa Viva Entertainment ang singer at maglalabas ito ng local version ng kanyang awiting “Lovely.”
Sinasabing nabuo ang agreement sa pagitan ng sariling entertainment agency ni Minzy na MZ Entertainment at Open Door Artist Management.
Magkakaroon naman umano ng online press conference para pormal na ipakilala sa Filipino fans si Minzy kung saan dito rin tatalakayin ang posibleng pagpasok ng K-pop star sa local showbiz.
Sina Park at Minzy ay nagkasama sa 2NE1 hanggang sa mabuwag ang grupo noong 2016 makaraan ang pitong taon.