Muling ipinaalala ni Senate President Koko Pimentel sa Canada na hakutin na ang kanilang basurang halos limang taon ng nakatambak sa Pilipinas.
Ito ang buwelta ni Pimentel kasunod ng pag-aalangan ng Canada na bentahan ang bansa ng mga helicopter dahil umano sa pangambang gamitin ang mga ito upang pulbusin ang mga rebelde na aniya’y labag sa karapatang pantao.
Ayon kay Pimentel dapat panindigan din ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang kaniyang pangako na kanilang hahakutin ang mga basurang itinapon ng isang kumpaniya mula sa kanilang bansa.
Giit ng senador sa pamamagitan nito mas mapapatunayan ni Trudeau ang tunay na malasakit sa karapatang pantao na kanilang aniyang paninindigan na naging dahilan ng kanilang pag-aalangan sa pagbenta ng mga helicopter.
Magugunitang inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines o AFP na kanselahin na ang kontrata sa pagbili ng dalawandaan at tatlumpu’t tatlong (233) milyong dolyar na halaga ng mga helicopter mula sa pamahalaan ng Canada.
—-