Umarangkada na ang pagdinig ng senado kaugnay sa traffic plan ng MMDA para masolusyonan ang matinding trapiko sa EDSA.
Kasabay nito, kaliwa’t kanang mungkahi rin ang ibinato ng mga dumalo sa naturang pagdinig.
Kabilang na rito sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Sherwin Gathcalian na kapwa sumang-ayon na ilipat ang mga tanggapan ng gobyerno sa mga probinsya upang matugunan ang problema sa masikip na daloy ng trapiko partikular na sa EDSA.
Iminungkahi ni Sotto ang posibilidad na paglipat ng Malacañang sa Clark sa Pampanga, pati na halimbawa ang Department of Environment and Natural Resourcess sa Zambales at Department of Public Works and Highways sa Bulacan upang mapigilan ang publiko na magkumpulan sa Metro Manila.
Another way to do perhaps or different kind of perspective as far as the grand transportation plan is concerned is to decongest Metro Manila itself by transferring all the government departments, offices out of Metro Manila,” ani Sotto.
Bagay naman na sinang-ayunan ni Gatchalian at sinabing naghain na ito ng panukala kaugnay dito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 876, hangad ni Gatchalian na mailipat ang national government sa New Clark City sa Tarlac sa taong 2030.
I filed this bill, ilipat ang seat of government sa Clark to decongest Metro Manila. Kapag nilipat do’n ang seat of government, pati infrastructure sasabay d’yan, train, airport, intermodal transportation,” ani Gatchalian.
Samantala, binigyang-diin pa ni Sotto na ‘band-aid solution’ o pansamantalang solusyon lamang ang provincial bus ban sa EDSA at hindi nito tuluyang masosolusyonan ang problema sa trapiko.