Kumambiyo si Senate President Vicente Sotto III sa kanyang pag-aalinlangan sa pag-usad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion package 2 o TRAIN 2 sa Senado.
Ngayon, mismong si Sotto pa ang nagpahayag ng kanyang kahandaang i- endorso ang naturang panukalang batas.
Ayon kay Sotto, naipaliwanag na nang maayos ng Department of Finance na hindi maaepektuhan ang mahihirap dahil malaking negosyo lang ang siyang puntiryang singilin ng malaking buwis.
Ikinagalak naman ng Palasyo ang naging pahayag ni Sotto.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, matapos ang naging pahayag ng lider ng Senado ay malaki ang kanilang kumpiyansa na sasang-ayon na rin ang iba pang mambabatas sa ikalawang bugso ng TRAIN.
Ihahain na ngayong araw ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang TRAIN 2 sa Senado.
Ito ayon kay Sotto ay upang agad nang masimulan ng Senate Committee on Ways and Means ang pag-aaral at masusing pagsusuri sa panukalang TRAIN 2.
Tiwala rin si Sotto na makakakuha na ng suporta mula sa iba pang mga senador ang panukalang TRAIN 2 oras na maipaliwanag na nang husto ng Department of Finance ang nilalaman at benipisyong maidudulot nito.
Paliwanag pa ni Sotto, matapos niyang maintihan ang nilalaman at layunin ng nasabing panukala, nakumbinse siyang maging sponsor nito sa Sotto.
Ilan aniya sa kanyang nagustuhan sa nilalaman ng panukalang TRAIN 2 ang pagbibigay ng tulong sa mga maliliit na negosyo at ang pagsasaayos na sa maraming tax incentives na ibinibigay sa mga korpoprasyon sa bansa.—Krista de Dios
(Ulat ni Cely Bueno)
—-