Kumpiyansa si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na maipapasa na ngayong ika-18 kongreso ang panukalang muling ibalik ang parusang bitay.
Kapwa isinusulong nila Sotto, Senador Manny Pacquiao at Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pagpapataw ng parusang bitay para lang sa mga matataas na uri ng krimen na may kinalaman sa iligal na droga.
Nais naman isama ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa kaniyang bersyon ng panukala ang mga nahatulan o napatunayang nasangkot sa plunder o pandarambong sa pondo ng bayan.
Para naman kay Senador Lacson, nais niyang maisama sa mga papatawan ng bitay ang mga mapapatunayang nagkasala sa rape, murder, treason at iba pang heinous crimes tulad ng parricide, panunuhol, arson, piracy at terrorismo.
Binigyang diin ni Lacson na wala nang kinatatakutan ang mga kriminal na gumawa ng krimen dahil batay sa datos ng PNP, may isang pinapatay kada 54 na minuto, may ninanakawan kada 16 na minuto habang may ginagahasa naman tuwing 51 minuto sa Pilipinas pa lamang.