Pinag-iingat ni Senate President Vicente Sotto III ang mga health official sa pagpapahayag nito sa publiko kaugnay sa bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19.)
Ito ay matapos ihayag ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Dr. Eric Domingo na hindi nito nirerekomendang iturok sa healthcare workers ang Sinovac vaccine na nauna nang nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) dahil sa mababa nitong efficacy rate na nasa 50.4% lamang.
Ayon kay Sotto, kapag nagbibigay ng pahayag ang Department of Health (DOH) dapat na kumpirmahin ito sa health secretary dahil aniya, minsan ay hindi nakatutulong ang ilang kawani ng DOH sa mga ipinapahayag nito na nagdudulot ng maling interpretasyon at pagkaunawa.
Giit ni Sotto, ito ay isang kritikal na isyung na dapat ay ang Secretary of Health ang nagbibigay ng mga pahayag.
Samantala, nilinaw naman ni Domingo nitong Lunes na rekomendasyon lamang iyon at hindi ibig sabihing ilegal o bawal na ang paggamit ng naturang bakuna .
Paliwanag niya, may pagkakataon pa rin naman ang mga health workers na magdesisyon kung nais nilang mabakunahan ng bakunang gawa ng Sinovac.
Matatandaang, ilang netizens at mambabatas ang kumestyon sa pahayag na ito ng FDA kaugnay sa pagbibigay ng EUA sa naturang bakuna kung hindi naman ito nirerekomendang iturok sa mga health workers.—sa panulat ni Agustina Nolasco