Balak ni Senate President Vicente Sotto III na paimbestigahan sa senado ang isyu sa paggamit ng Ivermectin.
Ito’y sa harap ng mga magkakakontra at makakaibang sinasabi ukol sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot pangontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sotto, plano niya na mag-privilege speech sa usapin sa Ivermectin kapag nagbalik ang sesyon at maari itong mairefer sa kinauukulang komite para maimbestigahan.
Giit ni Sotto, malinaw ang karanasan ng mga gumagamit ng Ivermectin at sa clinical trials sa ibang bansa na nakakagamot ito ng mga tinamaan ng COVID-19 at pwede ring prevention.
Kaugnay nito, binatikos ni Sotto ang Food and Drug Administration (FDA) dahil sa hindi pa rin pag-apruba sa Ivermectin bilang potensyal na gamot sa COVID-19.
Hindi tuloy maiwasan ni Sotto na magduda na baka kaya iniipit ng FDA ang Ivermectin ay para paboran ang ilang malalaking pharmaceutical companies na may iniaalok din na mamahaling gamot sa COVID-19 kumpara sa Ivermectin na P35.00 lang bawal capsule o tableta.
Kinuwestyun din ni Sotto kung bakit pili lang ang ospital na pinayagang gumamit at magprescribe ng naturang gamot at bakit bigla itong pinag-iinitan ngayon.
Giit pa ni Sotto, dapat hayaan ang mga gustong uminom ng abot-kayang Ivermectin bilang panlaban o gamot sa COVID-19.
Magugunitang umiinom rin ng Ivermectin si Sotto bilang prevention sa COVID-19 at marami daw syang mga kakilala na umiinom din nito.