“Ibalik sa napag-usapan!”
Ito ang hiling ni Senate President Vicente Sotto III sa mga kongresista upang matapos na ang deadlock o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Kamara at Senado hinggil sa 2019 national budget.
Ito’y makaraang maglagay ng kaliwa’t kanang budget insertions ang mga kongresista pagkatapos na maratipikahan ang naturang pondo.
“Nasa sakanila ‘yun simple lang ang hiling namin eh ibalik sa napag-usapan, sa napag-kasunduan, ibalik niyo dun. Bawiin ninyo ‘yung ipinadala sa amin, tapos ibalik niyo sa kung ano ang napag-usapan ‘yun ang ipadala sa amin, kapag napirmahan namin ipapadala sa Presidente, ang Presidente ngayon ang bahalang tumanggap ng mga isyu na ‘yan.” Ani Sotto
Ayon kay Sotto, palusot na lamang ng mga kongresista ang sinasabi nilang “itemization” sa mga binago nila sa pondo dahil malinaw na pork barrel ang mga naturang insertion.
Giit ni Sotto, pipirmahan lamang niya ang pinal na proposed national budget oras na bawiin ng mga kongresista ang mga isiningit nila sa pondo.
Nilinaw rin niya na hindi lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget hangga’t wala itong pagsang-ayon mula sa kanya.
“Pag ka ang ibabalik niyo sa amin ay ginalaw ninyo after nag-ratify kayo at ang ginalaw ninyo ay hindi naman ang sinasabi ninyong itemization, palusot niyo ‘yun eh, ang ginalaw ninyo ay may ni-realign kayo na hindi inyo, ang sinasabi ko kapag ibinalik ninyo sa amin na wala ‘yun eh pipirmahan ko.” Pahayag ni Sotto
(Ratsada Balita Interview)
Sandiganbayan employees’ salary increase
Samantala, apektado na rin maging ang salary increase ng mga empleyado ng Sandiganbayan dahil sa hindi pa rin matapos-tapos na usapin hinggil sa proposed 2019 national budget.
Ayon sa mga empleyado, dapat ay Enero pa lamang ng kasalukuyang taon ay natanggap na nila ang kanilang dagdag-sahod ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito nararamdaman.
Kasunod nito ay nanawagan na ang mga kawani ng Sandiganbayan na maisabatas na ang pambansang pondo upang hindi na magpatuloy pa ang pagkaantala ng kanilang salary increase. —(Ulat ni Jill Resontoc)
Nililito at inililihis ng Kamara ang tunay na isyu sa 2019 budget — Sotto
Nililito at inililihis ng Kamara ang tunay na isyu sa 2019 proposed national budget.
Ito ang binigyang diin ni Senate President Vicente Sotto III kaugnay ng naging pahayag ni Senior Deputy Majority Floor Leader Rodante Marcoleta.
Ayon kay Marcoleta, sa P70 billion re-alignment sa budget, P19 billion dito ang ni-re-align ng Senado nang hindi ikinonsulta sa Kamara de Representantes.
Ito aniya ay kinabibilangan ng P2.5 billion na alokasyon para sa national green program ng DENR, P3 billion pesos para sa TESDA scholarship, P11 billion pesos para sa DPWH at P2.5 billion para sa foreign assistance project.
Ngunit ayon naman kay Sotto, ang mga re-alignment na ito ay ginawa ng senado bago pa maratipikahan ng Kongreso ang pambansang pondo.
Dagdag pa ni Sotto, walang ni-isang senador ang may ipinabago pa sa pambansang pondo matapos itong maratipikahan. —(Sinulat ni Ashley Jose)
with report from Cely Ortega-Bueno
—-