Pinuri ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang extraordinary deeds na ipinakita ng medical team ng Southern Police District (SPD) matapos tulungan sa panganganak ang isang ginang sa Pasay City.
Ayon kay NCRPO Acting Region Director PBGen. Jonnel Estomo, nagsasagawa ng police visibility ang mga police trainees mula sa SPD-Medical and Dental Unit bilang bahagi ng S.A.F.E NCRPO Program nang makita ang ginang sa gilid ng kalsada sa J.W. Diokno Blvd.
Tumigil ang mga pulis at hindi nag-atubiling tumulong sa ale na hindi na umabot sa ospital para manganak.
Matapos mailuwal ang sanggol na lalaki sa bahay ng ginang, agad itong inihatid ng mga pulis sa ospital para sa post-natal care.
“I commend the immediate action of our law enforcers for their commendable action. Ito ang patuloy na tagumpay ng ating programang S.A.F.E NCRPO kung saan ang mga pulis ay nakadeploy sa mga kalsada upang magbigay ng mas mabilis na responde sa mga katulad nito na hindi inaasahang pangyayari. Asahan ninyo na ang mga pulis naninyong makikita sa daan ay inyong maaaasahan malalapitan at matatakbuhan tungo sa isang SAFE NCR,” pahayag ni Estomo.