Hindi pinatulan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga patutsada ni Vice President Sara Duterte.
Sa halip na patulan ang mga patutsada ni Vice President Duterte, itinuon ni Speaker Romualdez ang kanyang atensyon sa trabaho upang maipasa ang mga panukalang batas na kailangan upang mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga Junior kasabay ng kanyang papuri kay Romualdez na hindi umano nito narinigan ng anumang masamang salita laban sa pangalawang pangulo.
Dahil anya sa suporta ng iba’t ibang partido sa liderato ni Romualdez ay naipasa ng kamara ang mga panukala na nais maisabatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior at ng Legislative-Executive Development Advisory Council, kabilang ang Maharlika Investment Fund.
Iginiit naman ng leader ng kamara na hindi kailangan ng bansa ngayon ang bakbakan sa pulitika lalo’t ang itinaguyod ni Marcos noong kampanya kasama si Duterte ay ang pagkakaisa o unity.
Magugunitang nagbitiw si VP Inday sa Lakas-Christian Muslim Democrats, na partidong nagdala sa kanya noong halalan habang si Romualdez ang pangulo ng lakas-cmd.
Kamakailan ay tinawag ni Duterte na tambaloslos, o engkantong may malaking ari, ang isang hindi pinangalanang opisyal na nag-a-ambisyon umanong mag-presidente.