Idiniin ni House Speaker Martin Romualdez na patunay ang $14.2 billion foreign direct investments (FDIs) projects na naipatupad sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbangon ng Pilipinas mula sa pandemya.
Ito ay kaugnay sa inilabas na datos ng Board of Investments (BOI) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa House Speaker, nagbunga ang pagsisikap ni Pangulong Marcos na makahikayat ng investors bilang patotoo sa hangarin ng administrasyon na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Ilan sa mga proyektong bunga ng investment pledges na nakuha ng administrasyong Marcos ay tapos nang marehistro sa Investment Promotion Agencies ng DTI; samantalang ipinatutupad na ang iba rito.