Pinaalalahanan ng isang health expert si House Speaker Lord Allan Velasco na sumunod sa Vaccination Plan ng Kamara.
Ito’y ayon kay Dr. Anthony Leachon, Preventive Education and Health Reform Advocate matapos ihayag ni Velasco na uunahin nilang maturukan ng COVID-19 vaccine ang 8,000 mambabatas gayundin ang mga kawani ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Leachon, dapat alamin muna ni Velasco kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez kung masasakop ba ng priority list ang mga taga-KAMARA bago ito magbitaw ng pangako.
Magugunitang inihayag ni House Sec/Gen. Dong Mendoza na hindi problema ang pondo para sa COVID 19 vaccine dahil prayoridad ito ni Speaker Velasco.
Isa yan sa thrust na gusto gawin ni House Speaker Velasco. Nag-initial discussion na kay Sec. Galvez with regard doon sa vaccination”, paliwanag ni Mendoza matapos maiulat ang 98 cases ng COVID sa Kamara mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 20.
Pero giit ni Leachon, kahit may nakatabing pondo na ang Kamara at nagmamadali pa itong makakuha ng bakuna ay kailangan pa rin nitong mag-apply para sa pagbili niyon.
Even sa ibang bansa may template yan in term of prioritization kung sino ang unang mabibigyan, kung gusto nila na mailagay sa priority list ay subject for approval at nakadepende ito sa recommendations ng IATF”, paliwanag ni Leachon.
Una rito, ipinanawagan mismo kahit ni Pope Francis sa iba’t ibang world leaders na unahin sa bakuna ang mga mahihirap dahil sila ang walang kakayahan para gamutin ang nakamamatay na sakit dulot ng COVID-19.