Mukhang hindi na magbibitiw sa pwesto si Congressman Alan Peter Cayetano bilang House Speaker.
Ito ang tingin ni Buhay Party-list Representative Lito Atienza, sa nangyaring pagbitiw kahapon ni Cayetano sa pwesto at agad na ni-reject ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ani Atienza, dati pa lamang ay may mga hakbang na para siraan ang kampo ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco, pero aniya, walang katotohanan ang naturang paratang.
Unti-unti nakikita, ako kitang-kita ko, hindi na bibitiw. May mga ginagawang senaryo na simula’t simula pa na mayroon daw kudeta, kesyo meron daw nagpaplano ng masama, si Velasco raw ay gumagalaw ng palihim, e, hindi totoo lahat ‘yon. ‘Yun ay mga gawa-gawa para magkaroon ng issue,” ani Atienza.
Pagdidiin pa ni Atienza, kung ganito lang ang usapan, ay siguradong dehado si Velasco na masunod ang term sharing, dahil kasalukuyang nakaupo sa pwesto si Cayetano.
Kasunod nito, tiniyak ni Atienza, na pagsapit ng ika-14 ng Oktubre, na napag-usapang pagpapalit ng liderato ng kamara, ay kanyang ipapanawagang bumaba sa pwesto si Cayetano para magbigay daan sa bagong mamumuno sa mababang kapulungan.
Ako na ang hihingi, mag-resign na, October 14, sapagkat ‘yan ang binitiwan niyong salita sa Malacañang. Pangatawanan niyo, tumupad kayo sa inyong palabra de honor,” ani Atienza. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882
Cayetano nagwala sa talumpati kahapon —Atienza
Ikinagulat ni Buhay Party-list Representative Lito Atienza ang naganap na talumpati kahapon ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa gitna ng isyu ng ‘term sharing’.
Ani Atienza, tila hindi House Speaker ang nagbibigay ng talumpati kahapon, at aniya, sa paraan ni Cayetano ay nawala ang ilang magandang katangian ng tunay na lingkod bayan.
Ano ba ang kausap natin dito, speaker ba? O, mental? Where is statesmanship? Where is love of country? Where are the elements of a real patriot?” ani Atienza.
Kung kaya’t, ani Atienza, hindi tumalima ang mga miyembro ng mambabatas na agad na magbitiw sa pwesto si Cayetano dahil hindi pa panahon ang pagpapalit ng liderato ng kamara, at ang magiging epekto nito sa mga priority bills na kailangan nang mapagpasyahan.
Pagdidiin ni Atienza, kung talagang bukal sa loob ni Cayetano ang pagtalima sa ‘gentleman’s agreement’ ay dapat aniyang maging mahinahon ang pagresolba rito.
Maging maginoo ka, at maging mahinahon. Hindi ‘yung —nagwawala kahapon, e,” ani Atienza.
At para rin mapanatili ang tiwala ng publiko sa Mababang Kapulungan, ay makabubuting sundin at ipaubaya ni Cayetano ang pamumuno kay Marinduque Congressman Lord Allan Velasco alinsunod sa naging ‘usapang lalaki’ ng mga ito.
Sa huli, iginiit ni Atienza na kahit sino pa man ang mamuno sa kamara, ay patuloy pa ring kikilos ang mga miyembro nito sa pagsasagawa ng mga batas sa ngalan ng katotohanan at serbisyo sa taong bayan.
Para sa akin, the leadership is really immaterial. Congress will function whoever the speaker,” ani Atienza. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882