Nagsagawa ng special en banc session ang mga mahistrado ng Korte Suprema kahapon bilang bahagi ng retirement ceremony para kay Chief Justice (CJ) Teresita Leonardo De Castro.
Kasunod nito nagkaroon ng maikling programa kung saan inilatag ang mga naging kontribusyon ni De Castro sa Hudikatura bilang associate justice at chief justice ng kataas taasang hukuman.
Gayundin ang mga nagawa nito bilang associate at presiding justice ng Sandiganbayan.
Kahapon, inanusyo ng Korte Suprema na half day lamang ang pasok sa kanilang tanggapan para bigyang daan ang retirement ceremony para kay De Castro.
Samantala, posibleng pangungunahan pa rin ni De Castro ang regular en banc session sa Martes, Oktubre 9 at pangasiwaan ang ikalawa at posibleng huling oral argument hinggil sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay dahil ginawang Oktubre 10 sa halip na Oktubre 8 ang nakatakdang pormal na mandatory retirement ni De Castro.
Si De Castro ang may pinakamaikling termino bilang chief justice sa kasaysayan ng Korte Suprema kung saan umupo lamang ng halos dalawang buwan.