Magtatayo ang gobyerno ng mga special hub para mabakunahan kontra COVID-19 ang mga mayroong HIV at Cancer.
Ayon ito kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC) bilang bahagi nang pagpapalakas ng bakunahan sa mga persons with co-morbidities at senior citizens.
Ang special hub aniya para sa mga persons living with HIV ay posibleng itayo sa San Lazaro Hospital.
Tinukoy ni Cabotaje ang ginawang pagbabakuna ng National Kidney and Transplant Institute sa transplant recipients at donors samantalang ang mga mayroong tuberculosis ay naturukan naman ng COVID-19 vaccine sa Lung Center of the Philippines.
Batay sa report ng NVOC, 48.4% o 3.4-M sa mahigit 7-M persons with co-morbidities na target na mabakunahan ay naturukan na hanggang nitong nakalipas na Agosto 2.